Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vin Diesel at Michelle Rodriguez ng 'Fast & Furious 6,' nasa bansa na


Dumating na sa bansa ang ilang cast ng Hollywood action film na "Fast & Furious 6" na pinangungunahan nina Vin Diesel at Michelle Rodriguez. Si Michelle, gustong ma-experience ang night life sa Manila. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing unang dumating sakay private plane si Michelle na magiliw na makipag-usap sa media. Ikalawang pagkakataon na ng Hollywood actress sa Pilipinas. Ngunit sa unang pagpunta niya sa bansa, hindi raw niya na-enjoy ang Manila dahil kaagad siyang nagtungo sa napakagandang isla ng Amanpulo. Sumunod naman dumating nitong Lunes ng gabi si Vin na sakay din ng isang private plane. Nitong Martes, may mapalad na mga Pinoy na nakasalamuha si Vin habang nasa Bonifacio High Street ang dayuhang aktor. May video rin na naka-post sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kung saan makikitang masayang nakipagkulitan at nakipag-usap si Vin sa kanyang mga Pinoy fans. Sa huli, bumati pa ang Hollywood aktor sa kanyang mga Pinoy fans ng "Mabuhay!" Sa bansa ngayon ang cast ng "Fast & Furious 6" para sa idaraos na red carpet premiere sa Miyerkules ng hapon sa SM Mall Of Asia. Bukod kina Vin at Michelle, kasama rin sa pelikula sina Jason Statham, Dwayne Johnson,  Luke Evans, Paul Walker, Elsa Pataky, Jordana Brewster, at iba pa. - Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News