ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alamin kung kaninong bituin sa showbiz ang nagningning sa balota ngayong Eleksyon 2013


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

(Updated: May 17) Gaya ng showbiz, may dalawang mukha rin ang pulitika -- may mukha ng kasiyahan dahil nanalo sa halalan, at may luhaan matapos mabigo.  Sa katatapos na halalan nitong Lunes, May 13, halos 40 artista (kabilang ang aktor, singer, at direktor) ang kumandidato. Alamin kung kaninong bituin ang nagningning sa balota.

Wala pa ring kupas ang dating child star at "“Kaluskos Musmos" member na si Herbert Bautista na muling nahalal sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Quezon City.   Nagwagi rin ang bagito sa pulitika na si Alfred Vargas na nahalal na kongresista sa ikalimang distrito ng Quezon City. Unang sumabak sa eleksiyon si Alfred noong 2010 elections kung saan nanalo siyang konsehal.
 Naiproklama na rin bilang mga konsehal sa Quezon City sina Roderick Paulate (2nd district), Gian Sotto (3rd District), at Anjo Yllana (5th District).   Nagwagi rin sa pagka-konsehal sa Parañaque City sina Alma Moreno (1st district), Roselle Nava (1st district), at Ryan Yllana (2nd district).   Sa lungsod ng Valenzuela, pasok din bilang konsehal ang young actress na si Charee Pineda. Konsehal na rin ng Puerto Princesa City, Palawan ang guwapong aktor na si Matt Mendoza. Namayagpag din ang bituin ng dating action star na si Jestoni Alarcon bilang Sangguniang member sa lalawigan ng Rizal.    Sa Maynila, winner ang star tandem nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating That's Entertainment member na si Isko Moreno.   Nanalo si Estrada bilang bagong alkalde ng Maynila, habang bise alkalde muli si Isko. Patok din sa balota ang pangalan ng singer-composer na si Lito Camo bilang Sangguniang member sa lalawigan ng Oriental Mindoro.   Halos tiyak na rin ang panalo bilang kongresita ng Taguig City ng direktor na si Lino Cayetano, kapatid nina Sens. Alan Peter at Pia Cayetano.   Gobernador pa rin ng Laguna ang actor-producer na si Jeorge "ER" Ejercito Estregan; kongresista pa rin ng Laguna si Dan Fernandez; at bise gobernador pa rin ng Bulacan si Daniel Fernando, na unang sumikat sa erotic film na Scorpio Nights.
  Nagningning din ang bituin nina Angelica Jones bilang District Board Member ng Laguna; si Pinoy boxing icon Manny Pacquiao bilang kongresista ng Sarangani, at ang misis niyang si Jinkee Pacquiao bilang vice governor ng nabanggit na lalawigan.   Nasa kanyang ikatlo at huling termino na bilang gobernador ng Batangas ang Star for All Season na si Vilma Santos; habang nanalo naman bilang bise gobernador ng Cavite si Jolo Revilla. Ang ina ni Jolo na si Lani Mercado-Revilla ay mananatili namang kongresista ng 2nd district ng Cavite. Habang ang singer na si Fernando "Dingdong" Avanzado na ang magiging bagong bise gobernador ng Siquijor.   Lumamlam ang bituin   Kung may nagtagumpay, may mga nabigo.   Kabilang sa mga ito si Joey Marquez  na hindi pinalad na makabalik sa pulitika matapos matalo sa tinakbuhang labanan sa pagka-kongresista sa 2nd district ng Parañaque.   Bigo rin sa kani-kanilang kampanya sina Anthony Castello bilang konsehal ng Quezon City, Ervic Vijandre sa pagka-konsehal sa Taguig City, at Allan Paule sa pagka-konsehal ng Muntinglupa.   Hindi rin pinalad ang batikang aktor na si Lou Veloso matapos matalo sa kapwa aktor na si Isko Moreno sa pagka-bise alkalde ng Maynila.  Natalo naman sa pagka-kongresista sa 5th district ng Camarines Sur ang character actor na si Rez Cortez.   Sawing-palad din ngayong halalan sina Imelda Papin na kumandidatong kongresista sa lone district ng San Jose Del Monte City sa Bulacan; maging si Annabelle Rama sa pagka-kongresista ng 1st district ng Cebu City. Kung tagumpay ang kandidatura ni Lucy Torres-Gomez, bigo naman ang kanyang mister na si Richard Gomez na natalo sa kanyang kampanya bilang alkalde ng Ormoc.   Hindi rin pinalad sina Christopher de Leon na natalo sa pagka-kongresista ng Batangas; si Dennis Padilla bilang board member sa Laguna; si Rey Valera bilang bise alkalde ng Meycauayan City; Rey Malonzo bilang bise alkalde ng Caloocan, at  TJ Trinidad bilang konsehal ng Pasay. Nabigo rin si Patrick dela Rosa na makamit ang posisyon bilang alkalde sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro. Makaraan naman ang gitgitang laban sa incumbent Valenzuela Rep. Magi Gunigundo, tuluyan na rin natalo ang dating TV host na si Shalani Soledad.   Nitong gabi ng Huwebes, May 16, natapos na rin ang pagbilang ng mga boto sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur. Lumitaw na nagwagi si William “Wimpy” Fuentebella laban sa aktor na si Aga Muhlach. Hindi rin sinuwerte ang komedyanteng si Long Mejia na natalo sa pagtakbong Sangguniang Bayan sa Calumpit, Bulacan. - Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News  
Tags: eleksyon2013