Anjo Yllana, kinailangan ipaliwanag sa mga botante kung bakit siya kumandidato sa Quezon City
Dating konsehal at vice mayor sa Paranaque ang actor-TV host na si Anjo Yllana, kaya naman naging isyu ito laban sa kanya nang tumakbo siyang konsehal sa ikalimang distrito ng Quezon City nitong nakatatapos na eleksiyon. Sa panayam ng News To Go ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabi ng nanalong konsehal ng Quezon City na si Anjo na kinailangan niyang ipaliwanag sa mga tao noong panahon ng kampanya na isinilang at lumaki siya sa Quezon City. "I became councilor ng Parañaque then vice mayor. So, three terms ako na naglingkod. ‘Yan ang tanong sa akin, 'ano ginagawa (ko) sa Quezon City?," kwento ni Anjo sa News To Go. "I was born and raised sa Quezon City. Lumipat ako sa Parañaque kasi may gulong nangyari. Then, I came back nung nanalo kapatid ko na si Ryan," patuloy niya. Sa pagbabalik niya sa Fairview, Quezon City, itinuturing na raw niya ang sarili na retired na pulitika at ini-enjoy na lamang ang kanyang pamilya at pagiging host ng Eat Bulaga! Ngunit nagkataon na binuo naman ang bagong 5th district sa Novaliches, Q.C. kaya nagkaroon ng mga mungkahi na muli niyang pasukin ang pulitika. "Tinanong ako ni Sen. (Tito) Sotto kung saan ako umuuwi. Sabi ko Q.C. Sabi niya, 'tamang tama... mayroong mga bagong district sa Quezon City.' So, I prayed," kwento niya. "Nagdasal ako kay Lord kung sign ba 'to. I ran, I won. Mahirap ang laban ko kasi I was alone and I was against the administration. I was very thankful sa tao kasi nagtiwala. Ang mahirap lang i-explain na ako ay taga-Quezon City," dagdag pa niya. Basahin: Alamin kung kaninong bituin sa showbiz ang nagningning sa balota ngayong Eleksyon 2013 Sa pagkapanalo ni Anjo, makakasama niya sa Quezon City ang ilan pang artista na nanalo sa katatapos na halalan gaya nina Mayor Herbert Bautista, Congressman-elect Alfred Vargas at Coun. Roderick Paulate. Artista power Bagaman bentahe umano ang pagiging artista, sinabi ni Anjo na hindi iyon garantiya para manalo sa eleksiyon. "Opinyon ko lamang ito, ‘pag artista ka you have an advantage kasi kilala ang pangalan mo. Paano mo ngayon ito mako-convert into votes, ‘yun ang problema dun. Ang tao hindi naman porke kilala ka, iboboto ka na nila. Ang kailangan, malaman nila kung ano ang intensiyon ninyo sa amin," paliwanag niya. Iginiit niya na matatalino na ang mga botante kaya kinikilatis din nila ang kakayahan ng kandidato kahit pa kilala ito bilang artista. Gayunpaman, sinabi ni Anjo na nasasaktan siya kapag nakakarinig na tila minamaliit ang kakayahan ng mga artista na maglingkod sa publiko. "Sa aming mga artista nasasaktan kami 'pag sinasabihan kami ng ganyan. Alam mo ‘di ko maintindihan bakit kailangan kaming tanggalan ng trabaho during the campaign period, "ani Anjo. "Ang mga artista feeling ko masyadong dina-down sa ating bansa. Bagaman mayroon daw mga artista na nagpabaya sa trabaho, sinabi ni Anjo na hindi ito sapat para lahatin o i-generalize ang mga artistang nais kumandidato. "May artista na gumagawa ng mabuti, may mga nagpabaya," aniya. "Kagaya niyan, sinasabi na 'di na mananalo ang artista at masama ang imahe, but the truth is may nananalo pa rin. Bakit? kasi may ginagawa." Mas mataas na posisyon sa susunod? Dahil naging bise alkalde noon sa Paranaque, hindi rin maaalis na matanong kung may plano ba siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa mga susunod na halalan. Ngunit ayon kay Anjo, nakatuon lang sa isipan niya ngayon na makapagsilbi sa mga nasasakupan, suportahan ang liderato ng lokal na pamahalaan at matapos ang kanyang tatlong taon termino bilang konsehal. Ipinaalam niya ang paghanga sa liderato ng lungsod dahil sa mga nagawang pagpapa-unlad sa Quezon City. "Ngayon, wala akong balak tumakbo ng mas mataas. I just want to support them. This is the first time kasi na nagkaroon ng (mga) konsehal sa Fairview, never (pa) nagkaroon. It’s a first, so excited ako na makapagsilbi sa District 5," aniya. - ARGamboa/FRJimenez, GMA News