Wally Bayola, balik-Eat Bulaga! na matapos maaksidente
Balik na sa Eat Bulaga! nitong Martes ang dabarkads na si Wally Bayola matapos maaksidente nitong Sabado ng gabi habang papauwi sa Antipolo, Rizal. Sa segment na "Sugod Bahay," medyo maika-ika pang maglakad si Wally na binibiro ng kanyang mga kasama na sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Lunes ng gabi, ikinuwento ni Wally na pauwi na siya sa Antipolo at tinatahak ang Marcos Highway sakay ng kanyang "Big Bike" nang maganap ang aksidente. Sa hindi malamang dahilan ni Wally, dumulas ang gulong ng kanyang motorsiklo na dala umano marahil ng basang kalsada matapos ang pag-ulan. Dagdag ng komedyante, bumitiw siya sa kanyang motor nang bumagsak nang makita niya na malapit sa kanya ang isang trak ng basura. Nakaladkad umano ng trak ang kanyang motorsiklo ng ilang metro. Maliban sa mga galos, pasa sa katawan at masakit na tuhod, wala namang ibang seryosong pinsala sa katawan ang actor-tv host. Binigyan naman ng mga pabirong payo ng iba pang hosts ng Eat Bulaga si Wally, at maging ang iba pang nagmomotorsiklo na ibayong mag-ingat. - FRJimenez, GMA News