Ang kwento ng pag-asa, matutunghayan sa bagong seryeng 'Mga Basang Sisiw'
Samahan ang mga batang magkakapatid na sina Justin, Faye, Shine, Cha at Mickey sa kanilang pakikipagsapalaran sa bagong telenobela ng GMA-7 na ‘Mga Basang Sisiw.’ Ipakikita sa serye na sakabila ng madilim na sandali ng buhay, masisilayan pa rin ang sinag ng pag-asa basta't mayroon kang makakasama sa anumang pagsubok ng tadhana. Pinalaki ng mag-asawang Olivia (Lani Mercado) at Froilan (Raymond Bagatsing) ang kanilang mga anak sa isang mapagmahal na tahanan. Ang kanilang mga anak ay sina Justin (Renz Valerio), 14 taong gulang, ang panganay; si Faye (Bianca Umali), 12; Shine (Kimberly Faye), 10; si Cha (Hershey Garcia), 7; at ang bunsong si Mickey. Ngunit magbabago ang kapalaran ng magkakapatid dahil sa isang aksidenteng mangyayari sa kanilang mga magulang at mawawalay sa kanilang mga anak. At sakabila ng pangungulila ang mga paslit sa kanilang mga magulang ay magagawa pa silang apihin ng kanilang kamag-anak na si Vicky (Maxene Magalona). Ito ang magtutulak sa magkakapatid na lisanin ang tahanan ni Vicky at hanapin ang kanilang mga magulang. Mahahanap pa kaya ng mga bata ang kanila mga magulang at maibalik pa kaya ang masaya nilang buhay? Tampok din sa "Mga Basang Sisiw" sina Mike Tan bilang Rigor, Gardo Versoza bilang Efren at Caridad Sanchez bilang Lola Lagring. Abangan ang "Mga Basang Sisiw" sa June, sa GMA 7. Panoorin ang press conference via livestreaming sa May 30, Thursday sa ganap na 6 pm. Mag-log lamang sa gmanetwork.com/livestreaming. -- GMANetwork.com