ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eat Bulaga host na si Wally Bayola, may pinagdadaanang pagsubok sa pamilya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa likod ng mga ngiti na nakikita kay Wally Bayola sa noontime show na Eat Bulaga!, may malaking pagsubok pala na pinagdadaanan ang comedy actor kaugnay sa karamdaman ng kanyang dalagang anak. Sa Startalk TX nitong Sabado, napag-alaman na kamakailan ay natuklasan na mayroong orbital tumor o abnormal na paglaki ng tissue sa paligid ng mata ang 17-anyos na anak nito na si Rian. Nakatakdang isailalim sa operasyon ngayong buwan ang dalaga. Ayon kay Wally na manaka-nakang nagiging emosyunal sa panayam, nagpapakita ng katatagan ang kanyang anak. "Nagagalit nga sa amin e...wala akong sakit, wala akong sakit," kwento ni Wally sa sinasambit ng kanyang anak. "Napakatapang niya." Sa harap ng pinagdadaanan, sa mga kasamahan sa trabaho at mga kaibigan daw humuhugot ng lakas si Wally. Patuloy din siyang nanawagan ng panalangin upang malampasan nila ang kanilang pinagdadaanan. Kamakailan lang ay nasangkot din si Wally sa isang aksidente nang sumemplang ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Marcos Highway sa Rizal noong nakaraang Sabado. Maliban sa galos at pasa sa katawan, wala naman malubhang pinsala sa katawan na tinamo si Wally. -- FRJ, GMA News