ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pag-amin ni Charice na lesbian, makasama kaya o makatutulong sa kanyang career?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kakambal ng ginawang pag-amin ng Pinay international singer na si Charice na isa siyang lesbian ay ang katanungan kung ano na kaya ang mangyayari sa kanyang singing career. Sa isang bansa na katulad ng Pilipinas na itinuturing konserbatibo, malaki ang katanungan ng matatanggap ba ng mga tagahanga ni Charice ang pag-amin nito na isa siyang "tomboy?" Para sa executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life na si Fr. Melvin Castro, ang pinagdadaanan umano ngayon ni Charice ay tinawag niyang "identity crisis." "In this time of her life that she is experiencing and identity crisis regarding her sexual orientation, we would rather not pre-judge her," paliwanag ni Fr. Castro sa isang panayam. Kung tutuusin, mabibilang lang sa darili ang mga Pinoy celebrity na umamin na sila ay bakla o lesbian. Ang pinakahuli ay sina Iza Seguerra, Monique Wilson at BB Gandanghari, na dating si Rustom Padilla. Ngunit sa estado ni Charice, hindi lang naman siya sa Pilipinas sikat kung hindi maging sa ibang bansa tulad ng Amerika -- na mas bukas ang pagtanggap sa mga performer na nag-"come out." Ilan sa mga American artist na umamin na "gay" ay sina Ricky Martin, George Michael, Adam Lambert, dating  'N Sync singer na si Lance Bass, at ang TV host na si Ellen DeGeneres. At sakabila ng kanilang "pagladlad," nananatiling buhay ang kani-kanilang career. Sa isang panayam kay Charice, sinabi nito na tuloy-tuloy pa rin ang kanyang mga international commitments. Inihahanda na nga raw ang kanyang ikatlong album at may mga proyekto pa siyang gagawin sa Amerika na ayaw muna niyang isiwalat. Bukod dito, suportado rin umano ng kanyang ninang na si Oprah Winfrey at ninong na si David Foster ang ginawa niyang pag-amin ng tunay niyang sexual orientation. Mahalaga ang naging papel nina Oprah at David, at maging si Ellen upang makilala ang talento ni Charice sa buong daigdig. Ang pagkakabalita sa iba't ibang Hollywood press tungkol sa ginawa niyang pag-amin na isa siyang lesbian ay isang patunay na malaking pangalan sa international scene si Charice. - FRJimenez, GMA News

Tags: charice