Daiana Menezes, may alinlangan na magpakasal muli kay Cong. Benaldo
Tila nalilito pa rin ang Brazilian beauty na si Daiana Menezes sa sitwasyon nila ng kanyang mister na si Congressman Benjo Benaldo matapos lumabas ang usapin ng "domestic violence" sa kanilang pagsasama. Matatandaan na unang lumabas ang "hinalang" biktima ng domestic violence si Daiana dahil na rin sa mga inilagay niyang mensahe at larawan sa kanyang Instagram account. Ang naturang mga post ni Daiana ay nakatawag ng pansin maging sa Social Welfare Secretary Dinky Soliman at ilan pang grupo na nag-alok ng tulong sa kanya. Nasundan naman ito ng pahayag ni Cong. Benjo na nagbigay linaw tungkol sa hindi nila pagkakaunawaan ni Daiana na kanila na umanong naresolba matapos siyang humingi ng kapatawaran. Basahin: Cong. Benjo Benaldo, kinumpirmang kasal na sila ni Daiana Menezes; isyu ng domestic violence, nilinaw Dito rin inamin ng kongresista na ikinasal (civil marriage) na sila ni Daiana sa US. Kasunod nito ay inalis na ni Daiana ang kanyang mga post sa Instagram patungkol sa domestic violence at sinabing gumawa lang siya ng paraan upang makuha ang pansin ng mister. Basahin: Daiana Menezes posts 'life goes on, back to work' on Instagram after recent marital problem Dahil dito, hindi maiwasan malito ng ilang tao kung ano ba ang tunay na nangyayari kay Daiana. Sa ginawang panayam ng entertiamment columnist-host na si Ricky Lo na lumabas sa "Startalk TX" nitong Sabado, wala pa ring direktang pag-amin na ginawa si Daiana kung sinasaktan ba siya ng kanyang asawa. Pero pagtatapat niya, naka-hold ang plano sana nilang pagpapakasal muli ni Cong. Benjo na gagawin sana sa Europe. Sinabi nito na nandoon pa rin ang "trauma" at kahit humingi na umano ito ng paumanhin ay "paano kung mangyari uli." Inamin din niya na dismayado siya sa kanyang mister nang hindi ito nagsagawa ng public apology nang makapanayam sila ng sabay sa telebisyon. Nang tanungin ni Ricky si Daiana kung paaano niya ilalarawan ngayon ang sarili, emosyunal na tugon ng Brazilian beauty: "I think I would say I'm lost... hindi ko alam kung saan ako dapat ipapalagay ang sarili ko; sa publiko, sa pamilya ko, sa kanya, sa sarili ko? Sino ba ako dapat mamahalin muna?" Kasabay ng paghingi ng patawad at pag-unawa sa publiko, nilinaw ni Daiana na hindi naging madali ang ginawa niyang pagpapatawad taliwas sa akala ng iba. Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagpaabot ng suporta sa kanya kasama na ang DSWD at grupong Gabriela. - FRJimenez, GMA News