ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Aquino, James Yap nagkasundo sa visiting schedule kay Bimby


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Halos dalawang oras ang isinagawang conference ng dating mag-asawang sina James Yap at Kris Aquino sa tanggapan ni Presiding Judge Christina Sulit ng Makati Regional Trial Court ukol sa visiting schedule sa anak nilang si James "Bimby" Yap.

Ayon sa ulat ni Isay Reyes sa Chika Minute portion ng “24 Oras” nitong Lunes, naunang dumating si James kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan, habang sumunod naman si Kris Aquino kasama si Bimby.

Hindi idinetalye ng dalawang kampo ang kasunduan dahil sa gag order na inilabas ng family court.

Masaya raw si Kris sa desisyon ng korte dahil makabubuti raw ito para sa kanyang anak.

Ani Kris, "'Yung inayos niyang agreement between both parties will really benefit my son very much and I'm grateful to her [Atty. Sulit.]"



Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang basketball star dahil sa nasabing gag order. Ngunit naipahiwatig nito na sana matapos na ang isyu para maging focus na rin sila sa iba pang bagay.

Ayon naman kay Atty. Kapunan, masaya ang kanyang partido sa napagkasunduan dahil patas daw ito at makakabuti para kay Kris at James.

Gayunpaman, hindi pwedeng pag-usapan ng kampo ni James ang schedule ng pagbisita sa anak.

Sa parehong balita, ngiti lamang ang sagot ni James nang tanungin ito tungkol sa misteryosong babae na nakita sa kanyang mga litrato sa photo-sharing site na Instagram. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News