Actor-singer, inaresto ng mga pulis sa Mandaluyong City
Dinakip ng mga pulis ang actor-singer na si Christopher Cayzer matapos na ireklamo dahil sa pagtatangkang pumasok umano sa dalawang condo unit sa nabanggit na lungsod nitong Huwebes ng gabi. Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, inamin naman ng singer-actor na nakainom siya nang mangyari ang insidente dakong 7:00 p.m. Sa salaysay sa pulisya ng isa sa mga nagreklamo, sinabi nito na nakipagtulukan siya kay Cayzer nang magpumilit itong pumasok sa kanyang unit sa Tivoli Garden Residences. Nasaksihan umano ng batang anak ng unit owner ang insidente dahilan para matakot ito. Sinabi naman ng singer-actor na wala siyang maalala sa nangyaring insidente dahil sa kalasingan. Nanggaling umano siya sa party ng isang kaibigan na mayroon ding unit sa nasabing gusali. Humingi naman siya ng paumanhin sa mga tao na kanyang naabala at iginiit na wala siyang intensiyon na manakit. Nahaharap si Cayzer sa reklamong slight physical injury at child abuse. -- FRJimenez, GMA News