ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Louise delos Reyes, indie actress, now also a television star


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bago pa man nakilala sa telebisyon bilang si Adana San Miguel sa GMA series na "Alakdana" (2011), Elize Samonte sa "One True Love" (2012) at Marilyn Mendoza sa "Mundo Mo'y Akin" (2013), unang ipinamalas ng Kapuso actress na si Louise delos Reyes ang kanyang talento sa pag-arte sa 2009 Peque Gallaga indie film na "Agaton and Mindy."   Isa sa mga natutunan ni Louise sa pagbibida sa mga indie film ay ang maging "out of the box" pagdating sa pag-arte. Naaalis daw nito ang sarili sa tinatawag na comfort zone.   "Sa indie (film) kasi kahit ano puwede mong gawin. Parang it's beyond... outside the box talaga. Hindi mo aakalain sa sarili mo na aalis ka comfort zone mo," pag-alala ni Louise.   Kaya naman natuto raw ni Louise ang estratehiyang nakuha niya sa indie films nang sinubukan na niya ang mainstream television. Ngunit inamin naman niya na may mga limitasyon siya pag-arte sa harap ng kamera.   Patuloy niya, "Nung nag-TV na ako, nadala ko pa rin kahit papaano yung pagiging out of the box ng acting ko, kaya lang siyempre may mga restrictions."   Ilan sa mga tinukoy niyang restrictions ang mga salita at terminong puwedeng banggitin at pag-atake sa mga eksena.   "May mga ganung shift lang na siyempre natutulungan din ako ng script na 'yon ang sinusunod ko," saad ni Louise.   At bagama't matagal-tagal na ring nasa mainstream television ang Kapuso actress, marami pa rin daw nakakapansin sa pagiging "indie" niya sa mga programang pinagbibidahan.   "Sabi nga nila, nadala ko pa rin yung pagiging indie actress ko na hindi ganon ka mainstream kasi yung simple nuances tulad ng mga tingin, mga gesture ko like, mga small lang— yung natural lang," kwento niya.   Dagdag pa ni Louise, "Minsan kapag indie kasi hinahayaan ka lang nila na ikaw ang umarte, kung paano mo [iintindihin]. Kung anong feel mo. Kaya minsan nadala ko, kung mapapansin sa ibang scenes ko, nagkakamot ako ng noo o kaya humihikab ako."   Ngunit dahil ang mainstream television ay isa sa mga instrumento ng media na nagdadala impormasyon sa masa, nabatid ni Louise na kailangan niyang alagaan ang imaheng ipinapakita niya sa mga tagasubaybay.    Kailangan umanong alagaan at isipin din niya ang mga nakikita ng mga manonood sa telebisyon."   'Mundo Mo'y Akin' Samantala, marami rin umanong napupulot na aral si Louise sa kanyang ginagampanang papel sa nangungunang primetime series ng GMA na "Mundo Mo'y Akin."    Bilang si Marilyn, naunawaan daw niya ang mga katangian ng kanyang karakter kagaya na lamang ng pagiging tiyak sa kanyang mga ginagawang desisyon.   "Actually si Marilyn kasi napakamapagmahal niyang tao, napakabait niya, napaka-martyr niya. So sa akin, madami siyang naipa-realize and at the same time kung paano ka magiging firm sa decision mo," pahayag nito.   Napapanood si Louise sa "Mundo Mo'y Akin" tuwing Lunes hanggang Biyernes sa GMA Primetime pagkatapos ng "Anna KareNina." Kasama niya rito sina Alden Richards at Lauren Young.   'Poor Me,' Louise   Isa sa mga paksa na tinatalakay sa "Mundo Mo'y Akin" ay ang pagkilala sa tunay katauhan ng isang tao at hindi lamang sa panlabas na anyo.   "Kasi kahit maging positive tayo na okay lang sa'kin, na kahit hindi naman ako nabubuhay para sa kanila, pero sa loob mo naiisip mo, 'paano kaya kung tanggap ako ng mga tao? Would that be easier for me? Magiging mas masaya ba ako na maraming gumugusto sakin?'," paliwanag ni Louise.   At tulad ng kanyang karakter, mababa rin umano ang pride ng Kapuso actress. Kaya naman, tuwing mababa ang tingin niya sa sarili, humihingi siya ng tulong sa itinuturing niyang support group tulad ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
    "May mga inner struggles din ako personally, pero ino-overcome ko 'yon through the help of my family, my friends. So, 'yon parang may tendency ako na magpaka 'poor me'.  Alam mo yung kaawaan mo yung sarili mo," pag-amin niya.   "So meron akong support group na sila yung ego booster ko kasi yun talaga ako. Personally talaga, parang mababa yung pride ko," patuloy ni Louise.   Isa pa sa mga pinag-uusapan sa palabas na pinagbibidahan ni Louise ang usapin ng pagiging mapangyarihan.  Tulad ng kanyang karakter na si Marilyn, nais din ba ang Kapuso actress na maging kapangyarihan?   "Siguro hindi na ako magpapaka-ipokrito. Oo, kasi kahit sabihin mo na artista ka, tapos tinitingala ka ng maraming tao, meron pa ring mga tao na gusto mong pakitaan na may power ako, na kayang-kaya ko 'to," ani Louise.   "Mga simple lang, yung hindi naman up to the point na gusto mong angkinin lahat. Pero para ma-shut up lang yung mga tao na sinasabing hindi mo kaya," paliwanag niya.   Isang halimbawa nito ay ang pagtatapos ni Louise sa kursong Foreign Service sa Lyceum of the Philippines University, na sakabila ng mga nagdududa na hindi niya kayang pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral.   "Parang ang dami ko kasing naririnig na hindi ko kayang maka-graduate, hindi ko kayang pagsabayin. So ako ipinakita ko talaga na kaya ko," pahayag ng young actress.   Law school   Mula pa sa pagkabata, isa na sa pangarap ni Louise ay ang maging isang abogado. Kaya naman kahit maganda ang takbo ng kakrera nito sa show business, plano pa rin nitong makapagtapos sa law school.   "I'm planning kapag hindi ako... hindi naman natin masasabi  yung estado mo sa show business. Puwedeng bukas o next month o next year, mapalitan ka or hindi na ganun kaningning yung pagiging artista mo," saad ni Louise.   "So ayon, gusto kong ipagpatuloy yung pag-aaral ko sa law school," pagtatapos nito. --  Mac Macapendeg/FRJ, GMA News