1960s child wonder na si Baby Jane, nagbalik-bansa matapos ang 5 dekada para makita ang tunay na pamilya
Mistulang telenobela ang kwento ng buhay ng dating child wonder na nakilala bilang si Baby Jane noong 1960's. Makalipas kasi ng 50 taon, nakita at nakasama na niya ang kanyang tunay na pamilya sa Pilipinas. Sa esklusibong ulat ni Pia Arcangel sa GMA News TV's Balitanghali nitong Huwebes, napag-alaman na bata pa lang si Baby Jane nang dalhin siya ng kanyang tiyahin at tiyuhin sa Amerika, na inakala niyang tunay niyang mga magulang. Edad 54 na nang malaman ni Baby Jane na ang kanyang kinikilalang ama ay mayroon palang kakambal na naiwan sa Pilipinas, at ito ang kanyang tunay na ama. Nalaman din niya na nasa Pilipinas ang kanyang tunay na ina at mayroon pa siyang mga kapatid. Kaya naman ninais ni Baby Jane na bumalik sa bansa pagkaraan ng mahabang panahon. Kuwento naman ng mga kapatid ni Baby Jane na nasa Pilipinas, sinikap nilang alamin ang kinaroroonan ng kanilang kapatid sa Amerika pero naging mahirap ito dahil palipat-lipat umano ng tirahan. Maging sa social networking site na Facebook ay matiyaga silang naghahanap ng mga kapangalan nito sa pag-asang makakaugnayan si baby Jane. Kuwento ni Fe Villanueva, nag-alaga kay Baby Jane nuong bata pa, nagpaalam ang kanilang tiyahin at tiyuhin na dadalhin nila ang kanilang kapatid sa Amerika sa pangakong ibabalik din pagkaraan ng isang taon, bagay na hindi na nangyari. Pero matapos ang mahabang panahon ng paghahanap, isang mensahe sa Facebook ang natanggap nila sa kanilang hinahanap na kapatid na si Baby Jane noong nakaraang taon. At dito na nabuksan ang kanilang komunikasyon hanggang sa itakda ang kanilang pagkikita sa bansa sa unang pagkakataon. Ayon kay Baby Jane, kahit maraming taon ang lumipas na hindi niya kapiling ang kanyang tunay na pamilya, pakiramdam naman niya ay hindi siya nawalay nang magkasama-sama sila sa kanilang family reunion sa Bohol. Ang kanilang kuwento ay patunay umano na hindi dapat mawalan ng pag-asa habang nabubuhay, ayon sa ulat. -- FRJimenez, GMA News