Andre at Kobe Paras, nagsalita tungkol sa apela ng kanilang ina na si Jackie Forster
Nagsalita na ang magkapatid na Andre at Kobe Paras tungkol sa ginawang music video ng kanilang inang si Jackie Forster na humihingi ng patawad at nagnanais na makasama silang muli.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing tuloy na ang pagpasok sa showbiz nina Andre at Kobe para sundan ang yapak ng kanilang ama na si Benjie Paras.
Gaya ni Benjie, naglalaro rin ng basketball ang magkapatid. Nasa koponan ng La Salle si Kobe, habang maglalaro naman sa UP Maroons si Andre.
Basahin: Jackie Forster apologizes to sons Andre and Kobe Paras through music video
Kamakailan lang, pinag-usapan ang pag-dunk ni Kobe sa harapan ng NBA superstar na si LeBron James nang bumisita ito sa Pilipinas.
Sinabi ni Kobe na pambihirang karanasan ang makalaro ang isang NBA superstar gaya ni LeBron.
Tungkol naman sa kanilang ina na si Jackie, sinabi ni Andre na naniniwala siyang para sa publiko ang ginawang music video ng kanilang ina dahil idinaan ito sa social media at hindi naman ito personal na ipinadala sa kanila.
Tugon naman ni Kobe, "Wala, I don't care because I'm happy with my life now. I have a new mom. She's better and she treats us the way we want to, not like what she (Jackie) did to us."
Sinabi naman ni Benjie na minsan nang binalak ni Jackie na kunin ang dalawa nilang anak pero ang mga bata na umano ang tumanggi.
Sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ni Jackie na naka-base na ngayon sa Malaysia kung saan mayroon na rin siyang sariling pamilya. - FRJimenez, GMA News