ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Magse-share at magkakalat ng 'private' video at photos nina Chito Miranda at Neri Naig, pwede ring makulong


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pa humihingi ng tulong sa mga awtoridad sina Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda at girlfriend niyang si Neri Naig kaugnay sa lumabas na 'private' video at photos nila sa internet. Sa ulat ni GMA reporter Mariz Umali sa GMA News TV's News To Go nitong Martes ng umaga, sinabi nito na bukod sa orihinal na nag-upload ng video sa internet, maaari ring makasuhan ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act, ang mga nag-share nito na paraan upang kumalat. Ang mga mapapatunayan na nagkasala sa nasabing batas ay maaaring makulong ng hanggang pitong taon at pagmumultahan ng hanggang P500,000. Sa ngayon, hindi pa umano pormal na humihingi ng tulong sa mga awtoridad sina Chito at Neri para malaman kung sino ang nag-upload ng video sa internet at nagpapakalat nito. Sakaling magreklamo ang magkasintahan, sinabi ni Joey Narciso, Special Investigator ng NBI, na hindi magiging mahirap para matukoy ang mga maaaring kasuhan dahil nag-iiwan ng record ang sinuman na may aktibidad na ginawa sa internet. Una rito, humingi ng paumanhin si Chito sa kanilang pamilya ni Neri dahil sa lumabas na video. Ipinaliwanag ng singer na may nagnakaw ng kanilang hard drive sa bahay at hindi pa malaman kung sino ang nasa likod nito. Kasunod ng paglabas ng video ay mayroon na rin ilang larawan ng magkasintahan na kumakalat sa internet na kuha o screengrab mula sa naturang maselang video. Muli naman nagbigay ng payo si Narciso sa publiko na huwag i-video o kunan ng larawan ang maselang ginagawa ng mag-irog. Kung hindi naman maiwasan, sinabi nito na makabubuting itago itong mabuti. -- FRJimenez, GMA News