ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Claudine, nagpakita ng 'katibayan' ng pananakit umano sa kanya ni Raymart


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpakita sa korte ng ilang larawan si Claudine Barretto na magpapatunay ng ginawa umanong pananakit sa kanya ng estranged husband na si Raymart Santiago. Iginiit naman ng aktor na inaasahan na niya ang naturang kaso at nangakong lalabas din ang katotohanan. Nitong Huwebes ng umaga, isinampa ni Claudine sa Marikina Regional Trial Court (RTC) ang kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act of 2004 laban kay Raymart, ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras. Sa complaint affidavit na isinumite ng 34-anyos na aktres, sinabi nito na biktima siya ng pisikal, mental, at pinansiyal na pang-aabuso ng mister. Bukod dito, biktima rin umano siya ng marital rape. Kalakip ng isinumiteng dokumento ni Claudine ay ilang larawan na nagpapakita ng pasa at galos nito sa braso, pisngi at leeg na kagagawan umano ni Raymart. Isang larawan din ang ipinakita na tila hinahatak ng aktor paalis ng sasakyan ang aktes. Kasama ni Claudine na nagtungo sa korte ang kaniyang mga magulang at ilang miyembro ng grupong Gabriela na sumusuporta sa kaso ng aktres. Sa binasang pahayag ni Claudine sa media matapos dumalo sa korte, sinabi nito na naging bahagi na niya ang takot habang kasama ang aktor dahil sa ginagawa nitong pananakit sa kanya. “Notwithstanding all my horrendous experiences in the hands of my husband, today, I am breaking my silence. I have decided to stop and end the abuse and violence and make my husband criminally and civilly liable for all his actions," ayon sa emosyunal na si Claudine. Sinabi pa ng aktres na ang pagsasampa umano niya ng kaso laban sa mister ay isang malaking hakbang para matigil na ang pang-aabuso sa kaniya. Hinikayat din ng aktres ang ibang kababaihan na biktima ng pang-aabuso ng kanilang asawa na lumantad at magreklamo para sa kanilang mga anak. "Hindi lang po naman pambububog yung pinagdaanan ko e, kundi mental torture din. Ayoko nang pagdaanan din ng mga anak ko 'yon," umiiyak na pahayag ni Claudine. "Kung natagalan man, because gusto kong buong-buo yung salaysay ko," dagdag niya. "Hindi dapat pinapublicized"   Samantala, hindi naman ikinagulat ni Raymart ang isinampang reklamo ng asawa. Inaasahan na daw nila ito at mayroon na silang nakahandang sagot para lumabas ang katotohahanan. "Talagang inaasahan namin na magpa-file sila ng ganon, hinihintay lang namin kung kailan,"  ayon kay Raymart. "At mayroon na kaming sagot dun sa mga sinasabi nila sa akin. Mayroon silang ebidensiya, mayroon din akong ebidensiya," deklara niya. Dagdag pa ng aktor: "Kung tutuusin dapat contained lang 'to, hindi dapat pinapublicized na ganun kalaki. Pero 'yon yung gusto niya di ba, yun ang ibibigay ko sa kanya." -- FRJimenez, GMA News