advertisement
Filtered By: Showbiz
Showbiz

2 pelikula ni Dingdong Dantes, kasama sa mga pagpipilian ng FAP na ilalaban sa Oscar



Dalawang pelikula ng award winning Kapuso actor na si Dingdong Dantes ang nakasama sa shortlist ng pitong pelikula na pinagpipilian ng Film Academy of the Philippines (FAP) na ilalaban sa best foreign-language category ng prestihiyong Oscars sa susunod na taon.

Sa listahan na inilabas ng FAP,  kasama sa short-list ang Dance of the Steel Bars na pinamahalaan nina Direk Cesar Apolinario at Marnie Manicad.

Kasama ni Dingdong sa pelikula na tumalakay sa buhay sa loob ng piitan sina Ricky Davao, Joey Paras, at Hollywood actor na si Patrick Bergins.

Basahin: Dingdong Dantes, itinanghal na Best Actor sa Gawad Tanglaw sa Sining ng Pelikula

Bukod sa Dance of the Steel Bars, pinagpipilian din ng FAP ang Tiktik: The Aswang Chronicles, kung saan nakasama naman ni Dingdong sina Lovi Poe, Joey Marquez, Janice de Belen, Ramon Bautista at LJ Reyes.

Ang Tiktik: The Aswang Chronicles, na ginamitan ng modernong teknolohiya sa paggawa ng pelikula ay idinerek ni Erik Matti.

Nasa listahan din ng shortlist ng FAP ang pelikulang Supremo, na pinagbibidahan ni Alfred Vargas; ang El Presidente nina Laguna Gov. Jeorge Estregan, Cesar Montano, Christopher de Leon, Nora Aunor, at Cristine Reyes; at Thy Womb nina Nora Aunor, Bembol Roco at Lovi Poe, sa direksiyon ni Brillante Mendoza.

Kasama rin ang pelikulang Ekstra ni Vilma Santos sa direksiyon ni Jeffrey Jeturian; ang Tuhog na pinagbibidahan ng Kapuso comedianne na si Eugene Domingo sa direksiyon ni
Veronica Velasco; ang OTJ (On the Job) ni Direk Erik Matti na pinagbibidahan nina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Joel Torre, Joey Marquez, Michael de Mesa, at Leo Martinez; at ang Boses ni Direk Ellen Ongkeko-Marfil, na tumalakay sa kwento ng pagkakaibigan ng isang batang pipi at violin teacher.

Noong nakaraang taon, naging pambato ng Pilipinas sa Oscar pero hindi napiling ipalabas ang pelikulang Bwakaw ni Direk Jun Lana, na pinagbidahan ni Eddie Garcia. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT