ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kasunod ng umano'y sex video scandal, Wally Bayola, 'di muna mapapanood sa Eat Bulaga


Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang kampo ng komedyanteng si Wally Bayola tungkol sa pagkalat sa internet ng isang sex video na hinihinalang siya at ang isang dancer ng Eat Bulaga. Kabilang si Wally sa mga co-host ng sikat na noontime show kung saan madalas siyang napapanood sa segment na "Sugod-Bahay" kasama sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros. Sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Martes ng gabi, sinabing maging ang pamunuan ng noontime show ay hindi muna magpapalabas ng pahayag tungkol sa kontrobersiya. Gayunman, sinabi umano ni Malou Choa-Fagar, isa sa mga executive ng programa at manager ni Wally, na hindi muna mapapanood ang komedyante sa Eat Bulaga. Umaga nitong Martes nang magsimulang pag-usapan sa mga social networking site ang kumakalat na sex video na sinasabing kamukha ni Wally at isang dancer ng EB Babe. Matatandaan na kamakailan lang ay pinag-usapan din ang kumalat na "private video" ng singer na si Chito Miranda at girlfriend nitong aktres na si Neri Naig. Humingi ng paumanhin si Chito sa paglabas ng kanilang video ni Neri sa internet. Sinabi nito na may nagnakaw ng kanyang hard drive sa bahay na pinaniniwalaan niyang pinagkunan ng kanilang private video ni Neri na ikinalat sa internet.  Nagtungo na rin si Chito sa National Bureau of Investigation para malaman kung sino ang nag-upload ng kanilang video sa internet. Samantala, habang wala pang ginagawang pangtanggi o pag-amin ang kampo ni Wally at ng babae, patuloy naman ang pagkalat nito sa internet na umaani ng iba't ibang reaksyon mula sa netizens. -- FRJimenez, GMA News