ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes, nanghinayang sa nawaldas na pondo ng bayan sa 'pork barrel' scandal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi naiwasan ng Kapuso leading man na si Dingdong Dantes ang mainis at manghinayang sa bilyung-bilyong pisong pondo ng bayan na sinasabing nawaldas sa tinatawag na "pork barrel" scandal. “Yun nga yung medyo nakakainis e kasi nagsa-struggle kami to look for funds and I put in even my own, personal money tapos malaman-laman mo na 'di umano na may posibilidad that they set up fake NGOs. Kaya ang apektado ay kaming mga lehitimong NGOs na kumakayod sa paghahanap ng pera,” paliwanag ng aktor na nasa likod ng "Yes! Pinoy Foundation nang makapanayam ng GMANetwork.com. Ang tinutukoy ni Dingdong ay ang iskandalo tungkol sa Priority Development Assistance Funds (PDAF) ng mga mambabatas na mas kilala sa tawag na "pork barrel." Batay sa mga ulat, ilang mambabatas ang naglalaan ng kanilang mga pondo sa mga proyektong ipinapadaan sa mga pekeng non-governmental organization (NGOs) na itinatag umano ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles. Aktibo ang “Yes Pinoy Foundation” sa pagtulong sa iba't ibang sektor lalo na sa mga kabataan. Kamakailan lang ay naging abala ang grupo ni Dingdong sa pagtulong sa mga nasalanta ng pag-ulan at pagbaha.   Sa 4th anniversary ng foundation, nagsagawa ng special mission si Dingdong kung saan sinuong nito ang malakas na buhos ng ulan, tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para marating ang Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal Province.   Sa tulong ng mga sponsor at YPF, personal na inihatid ng aktor ang mga bangka, mga bag, school supplies, raincoats, life vests at solar powered lamps sa mga mag-aaral ng Casili Elementary School.   Napanood umano ni Dingdong sa GMA News ang kalagayan ng mga mag-aaral kaya naman naisipan nilang maghandog ng donasyon sa paaralan at tulungan ang mga estudyante na nagsisikap na mag-aral. Kaya naman malaki ang pasasalamat ng aktor sa mga sumusuporta sa adhikain ng kanilang grupo na nagkakaloob sa kanila ng donasyon at kontribusyon. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nagbibigay ng tulong kasi, siyempre, yun naman ang buhay ng isang foundation, yung mga supporter, at hindi kami mabubuhay kung wala sila,” pahayag ng aktor na bibida sa bagong Kapuso series na "Genesis." At sa kabilang ng kasikatan, mas pinili ni Dingdong na huwag na isama ang kaniyang pangalan sa mismong pangalan ng foundation para makatayo umano ito at makasilbi bilang isang organisasyon. “I want it to stand on its own. It’s a legitimate NGO na ang flagship programs ay mga project mismo at hindi ako. Kaya kung mag-i-invest man sila o magdo-donate sila, it’s because naniniwala sila dun sa cause [ng Foundation] at sa kapupuntahan ng pera rather than dahil ako ang founder ng foundation,” paliwanag niya.   “Kung sa tingin naman nila walang kapupuntahan yung donation nila – siyempre pinaghirapan din naman nila yung pera na ‘yon – at kahit sabihin pang hinahangaan nila ako, hindi naman din siguro nila sasayangin ang bunga ng pinaghirapan nila,” dagdag niya.   Sinisiguro ni Dingdong na well accounted for ang mga donasyong pumapasok sa kanyang foundation.  Katunayan ay mahigpit ang bilin niya sa kanyang mga staff na maglabas ng financial reports at maging transparent sa lahat ng bagay.   Dahil sa malinis na pangalan, hindi nawawala ang paghikayat kay Dingdong na pasukin na ang pulitika, bagay na tinatanggihan naman ng aktor. “Siyempre, hindi natin masasabi this early. Magco-concentrate muna ako sa ginagawa ko ngayon kasi ‘yon naman ang importante,” pahayag niya. Bagong primetime series   Bukod sa kanyang foundation, abala ngayon si Dingdong sa paghahanda sa kaniyang bagong serye sa GMA na "Genesis," kung saan muli niyang makakatambal si Rhian Ramos. “Dito sa 'Genesis' napag-uusapan din yung mga corruption issues, it’s a struggle kung paano lumaban ng patas at tama sa kabila ng kaguluhan. Kaya narerelate din sa totoong buhay ang show na ito,” paliwanag ng primetime actor.   Bagaman may mga special effects, sinabi ni Dingdong na drama ang pinaka-sentro ng serye.   “Basically, drama talaga siya. Ito ay tungkol sa pagkakaroon ng pag-asa sa kabila ng mga delubyo, mga problemang hinaharap ng isang tao,” kuwento niya.   Maliban kay Rhian, makakasama rin ni Dingdong sa "Genesis" ang batikang aktres na si Ms. Lorna Tolentino na naging love interest niya sa primetime drama series na “Pahiram ng Sandali.” Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa nasabing programa, i-like ang official fan page nito sa Facebook (http://www.facebook.com/GenesisGMA7) at i-follow ang @GenesisGMA7 sa Twitter. - Neil Celeste Rara/FRJ, GMANetwork