Krystal Reyes, may surprise guest sa bday celebration na ginawa kasama ang mga bata sa ampunan
Dahil na rin sa nakuhang inspirasyon sa kaniyang Kapuso series na AnnaKarenina, pinili ng young actress na si Krystal Reyes na pasayahin ang mga bata sa isang ampunan sa Bulacan para sa kaniyang 17th birthday.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing kauuwi pa lang ni Krystal mula sa mall show sa GenSan ay tumuloy na kaagad ang dalaga sa Bethany House Sto. Nino Orphanage sa Bulacan para makasama ang mga bata.
Kuwento ni Krystal, nakuha niya ang idea na mag-celebrate ng birthday sa kinabibilangan Kapuso series na AnnaKarenina kung saan naghahanap ng nanay ang mga pangunahing bida ng palabas.
"Naisip ko na yung mga bata dito sila talaga yung nawawalan ng nanay kaya naisip ko baka sakali 'pag dito ako nag-celebrate ng birthday mapasaya ko rin sila," sambit niya.
Nagsilbing surprise guest naman sa mga bata at maging kay Krystal ang pagdating ng kaniyang co-star sa AnnaKarenina na si Joyce Ching.
Ayon sa dalawa, marami pa ang dapat abangan ng mga manonood sa nalalapit na pagtatapos ng serye at malalaman na kung sino sa kanila (Krystal, Joyce at Barbie Forteza) ang tunay na AnnaKarenina. -- FRJimenez, GMA News