Raymart Santiago, nagpakita ng katibayan na sinasaktan daw siya ni Claudine Barretto
Sa unang pagkakataon mula nang makarating sa korte ang hidwaan nila ng kaniyang estrange wife na si Claudine Barretto, naging emosyunal at napaluha si Raymart Santiago matapos maglabas ng mga katibayan na sinasaktan umano siya ng aktres. Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Martes, nagsumite ng mga larawan sa korte si Raymart na nagpapakita ng mga tinamo niyang sugat at pasa sa katawan dahil sa pananakit umano sa kaniya ni Claudine. Basahin: Claudine, nagpakita ng 'katibayan' ng pananakit umano sa kanya ni Raymart Ang mga larawan ay kasama sa counter-affidavit na isinumite ni Raymart sa Marikina Regional Trial Court. Kaugnay ito sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act of 2004 na isinampa ni Claudine laban sa aktor. Inakusahan ni Claudine ang kaniyang mister ng "physical, sexual, psychological and economic" abuse. Kasama rin sa ipinasang ebidensiya ni Raymart ang sinumpaang salaysay ng mga kapatid ni Claudine na sina Gretchen, Marjorie, at J.J. Barretto. Iprinisenta rin ng aktor ang ilan nilang dating tauhan na magpapatunay sa laman ng kaniyang affidavit. Nang kapanayamin sa labas ng korte, napaupo si Raymart at napaiyak sa sitwasyon nila ni Claudine dahil nadadamay ang kanilang mga anak. Basahin: Raymart Santiago, nagpasalamat sa pagkampi sa kaniya ni Gretchen Barretto "Malungkot. Siyempre nandoon yung mga anak ko. Ang pangit lang ng nangyari," anang aktor. "Kailangan ko lang din sumagot. Siguro para din sa mga anak ko, para malaman nila ang totoo." Sinabi ni Raymart na napilitan siyang ilabas ang mga larawan upang idepensa ang kaniyang sarili. "Sa totoo lang, malungkot ako dahil kailangan pang lumabas ang lahat ito. Kagaya ng sinabi ko, hindi ko ginustong ilabas ito. Pero ganun sila, e, marami silang nilalabas at kailangan ko lang din sumagot," ayon pa sa aktor patungkol sa kampo ng asawa. Tumangging magkomento si Claudine pero sinabi ng abogado ng aktres na handa nilang sagutin ang alegasyon ni Raymart. Kasabay nito, pinag-aaralan na rin umano ng kampo ni Raymart na pawalang-bisa ang kasal nila ni Claudine. -- FRJimenez, GMA News