ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tom Rodriguez, kinabahan na baka walang tumili sa kanya sa pagrampa sa Cosmo Bash


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bagaman kinabahan sa simula ang "My Husband's Lover" star na si Tom Rodriguez, masaya naman daw ang aktor sa pagkakataon na mapabilang at maging coverboy sa 'Top 10 Cosmopolitan Bachelors' ng Cosmopolitan magazine na idinaos sa World Trade Center nitong Martes ng gabi.   "Naka-ilang sign of the cross ako, hindi ko na mabilang— hindi ko alam kung paano ako tatanggapin ng mga tao tapos naisip ko, titili ba sila, baka mamaya tahimik lahat 'yan," pag-amin ni Tom.   Dagdag pa nito, "Nerbiyos masyado kaya buti na lang paglabas mo, ang sarap ng pakiramdam kasi lahat nagtitilian kaya grabe ang sarap ng experience."   Ayon pa kay Tom, hindi lamang ang Cosmo bash ang unang pagkakataon na nakaramdam siya ng kaba dahil mayroon talaga siyang "stage fright."   Pag-amin pa ng aktor, "Lagi akong kinakabahan— may stage fright ako na lagi; before akong magperform o before ako lumabas, may gawin mang ano grabe 'yong tibok ng puso ko, kinakabahan talaga ako. Kaya sinasabi ko na lang 'saka ka na mahiya, mamaya pagkatapos.'" Martial Arts gimmick   Dahil mahilig ang aktor sa martial arts, nagpasya siya na gumamit ng chako bilang pakulo sa kanyang pagrampa sa naturang event.   "Tutal mahilig naman ako sa martial arts tapos wala akong maisip as in last minute na... Galing akong shooting, pagkauwi ako, 'ano kaya gagawin ko?' Kaya sakto nakita ko sa mantle piece ko yung chako at saka yung mga iba kong pang martial arts, sabi ko yun na lang kaya," kwento niya.   Pasalamat sa 'My Husband's Lover'   Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Tom sa GMA Network at sa pinagbibidahang programa na "My Husband's Lover" dahil sa magandang pagtanggap ng mga tao sa kanya at sa kaparehas na si Dennis Trillo.   Ang pagrampa ni Tom at Dennis ang ilan sa mga centerfold na nakatanggap ng malakas na hiyawan mula sa mga "Cosmo girls," na tawag sa mga dumalo sa event.   Bago kasi matapos si Tom sa kanyang pagrampa, lumabas si Dennis sa entablado at sabay nilang ginawa ang kanilang final walk.   Wika ni Tom, "Hindi ako magde-deny o hindi ako magmamalaki dahil totoo 'yon na malaki ang naitulong sa'kin ng GMA at saka ng 'My Husband's Lover.'  Kaya part ng success namin dito, at part ng tili ng mga tao ay dahil din sa kanila kaya they have my gratitude."   Bukod pa rito, natuwa rin si Tom sa suportang ibinigay ni Carla Abellana para sa kanya at kay Dennis na nanood sa mismong naturang event.   "Nagulat nga ako, nung pabalik na ako, 'Go TomDen.' Kaya ang sarap ng pakiramdam na parang pamilya na kami sa set na sinuportahan niya kami rito ni Dennis. Laking tulong din sa pangpa-boost ng confidence," saad niya.   Si Tom ang isa sa coverboy ng "Cosmopolitan 69 Bachelors" kasama ang aktor na si Alden Richards. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News