Filtered By: Showbiz
Showbiz

Raymart Santiago, bukas pa kayang makipag-ayos kay Claudine Barretto?


Muling naging emosyunal si Raymart Santiago nang mapag-usapan ang kaniyang mga anak na hindi pa rin niya nakikita dahil sa sigalot nila ng kaniyang estranged wife na si Claudine Barretto. Pero sakabila ng kaniyang mga pinagdadaanan, tuloy pa rin sa trabaho si Raymart. Katunayan, dumalo pa siya sa story conference ng bagong Kapuso series, ang remake ng Villa Quintana. Gagampanan ni Raymart sa serye ang dating role ni Pen Medina na si Felix, na tatayong ama ni Isagani, na gagampanan naman ngayon ni Elmo Magalona. Basahin: Raymart Santiago, nagpakita ng katibayan na sinasaktan daw siya ni Claudine Barretto Sa naturang presscon, inamin ng aktor na labis siyang nangungulila sa dalawa nilang anak ni Claudine na hindi pa rin niya nakikita. "Kailangan mamaster mo na hiwalay yung personal na buhay sa trabaho. Siyempre iniisip ko yung kinabukasan ng mga anak ko," pahayag ni Raymart sa "Starbite" ng GMA News TVs Balitanghali nitong Biyernes. Dahil ilang linggo nang hindi nakikita ang mga anak dahil sa protection order na isinampa laban sa kaniya ni Claudine, sinabi ni Raymart na ngayon niya napagtanto ang kahalagahan na laging kasama ang mga bata. Basahin: Claudine, nagpakita ng 'katibayan' ng pananakit umano sa kanya ni Raymart "Siyempre ngayon ko lang narerealized na yung dati kasi 'pag gising mo nandiyan lang sa tabi, minsan napapagalitan mo dahil ang kukulit di ba, araw-araw nakikita mo... 'stop it, stop it.' Pero ngayon naiisip-isip mo di ba parang hindi mo sila nakakasama, yun 'yong nakakalungkot," malungkot niyang paliwanag. Aminado ang aktor na may panahon na hindi nabibigyan ng pansin ang mga anak, bagay na hindi umano dapat, at kaniyang natutunan dahil sa kinakaharap na pagsubok. Payo ni Raymart, ibuhos ang oras at panahon sa mga anak habang may pagkakataon at i-tresure ito. Nang tanungin kung bukas ba siyang makipag-ayos kay Claudine para matapos na ang kanilang sigalot, tugon ng aktor: "Ewan ko. Lahat naman nung ibinabato sa akin at yung mga nailabas ko, 'yon lang naman ang mga sagot ko sa mga bintang nila sa akin." -- FRJimenez, GMA News