Claudine Barretto, na-confine dahil sa drug abuse at mental condition -- Gretchen
Lalo pang uminit ang gusot sa pamilya Barretto matapos patotohanan ni Gretchen Barretto ang umano’y pag-abuso sa droga at pagkakaroon ng mental condition ng kaniyang nakababatang kapatid na si Claudine.
Unang lumabas ang isyu tungkol sa umano’y paggamit ni Claudine ng droga sa isinumiteng counter-affidavit ng kaniyang estranged husband na si Raymart Santiago.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ang pagsisiwalat ni Gretchen sa tunay na kalagayan ni Claudine ay tugon sa naging pahayag ng kanilang ama na si Miguel Barretto na ipokrita ang mga anak niya na tila kumakampi kay Raymart.
Ang tinutukoy ng nakatatandang Barretto ay sina Gretchen, Marjorie at J.J., na nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay sa kampo ni Raymart. Ito ang ginamit na depensa ng aktor sa reklamong pang-aabuso at pananakit na isinampa ng kaniyang misis na si Claudine.
“Alam mo si Claudine mabait lahat sa kanila at saka binu-bully nila e. Palagay ko part of that is sibling rivalry,” ayon kay G. Barretto.
“Because ang na-attain ni Claudine sa kanyang ano, pagkabata, hindi na-attain ng mas matatanda niyang kapatid na dalawa,” dagdag ng kanilang ama.
Nanawagan si G. Barretto sa kaniyang mga anak na manahimik na lamang at huwag makialam sa kaso ng mag-asawang Raymart at Claudine.
Sa ulat ng PEP.ph, naglabas ng pahayag si Gretchen kung saan inihayag nito na nasaktan si Marjorie sa mga naging pahayag ng kanilang ama.
Sabi naman ni Gretchen, lahat ng anak ay isinilang na mabuti at nasa pagpapalaki ng magulang kung ano ang magiging ugali nito paglaki.
Natatandaan pa umano ni Gretchen nang tawagin silang magkakapatid na monster ng kanilang ina.
Itinanggi rin niya ang paratang ng ama na binu-bully nilang magkakapatid si Claudine, at wala umanong dahilan para siraan nila ang sariling kapatid.
Tungkol sa pagbibigay ng sinumpaang salaysay kay Raymart, ipinaliwanag ni Gretchen na ginawa nila ito bilang depensa at upang lumabas ang katotohanan matapos silang akusahan ni Claudine na abusadong mga kapatid.
Ipinaalala rin ni Gretchen sa ama ang ginawa nitong pagkukunwari na inatake sa puso para ma-confine si Claudine sa pagamutan dahil sa problema nitong drug abuse at mental condition. Ipinagpatuloy pa umano ni Claudine ang pagpapagamot sa Thailand, at nang bumalik sa bansa ay sumailalim naman sa counseling.
"I would like to remind my father that in January 2011, he pretended to have suffered a heart attack and confined himself in Medical City and got my sister-in-law, Connie, to call Claudine at 2 a.m. so she could go to the hospital.
"However, that was just a ploy to get Claudine confined at the basement for her severe drug abuse and mental condition.
"My brother, Mito, and his wife Connie, their son John, Marjorie and my parents planned and witnessed the confinement," pahayag ni Gretchen sa Pep.ph.
Matagal na raw problema ng pamilya ang pinagdadaanan ni Claudine, ayon pa sa aktres.
Sa kabila ng lahat, sinabi ni Gretchen na iniisip pa rin nila ang kapakanan ng kanilang kapatid.
Tumanggi naman si Claudine na sagutin pa ang pahayag ni Gretchen at iginiit na sapat na ang negative result na inilabas niyang resulta ng kaniyang drug test. -- FRJimenez, GMA News