Tom Rodriguez, nanawagan sa MTRCB na maipalabas ang 'matinding' eksena nila ni Dennis Trillo sa 'My Husband's Lover'
Nanawagan ang Kapuso actor na si Tom Rodriguez sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na pahintulutang maipalabas sa telebisyon ang isang 'matinding' eksena nila ni Dennis Trillo na bahagi ng pagtatapos ng "My Husband's Lover."
"Nananawagan nga po kami sa MTRCB kasi very tasteful naman po yung pagkagawa namin. Kung sana po papayagan niyo kami sa pinaghirapan naming eksena sa kwento. Sana maipalabas namin 'yong ginawa naming eksena ni Dennis," pahayag ni Tom sa ulat ni Lhar Santiago sa "Unang Balita."
Hindi sinabi ng aktor kung ano ang nasabing eksena pero kinabahan umano siya nang kunan ito na magsisilbing malaking pasabog sa nalalapit na pagwakas ng serye.
"Sobrang kaba on my end. Ako, parang, nini-nerbiyos ako hindi ko alam kung mahihimatay ako, hindi na gagana yung paa ko," ayon kay Tom.
"Tawa nang tawa si Direk Dom [Dominic Zapata] sabi niya, kung pwede lang daw i-release yung audio namin sa mic. Kasi bago kami mag-start, [sabi ko] 'heto na, heto na. Paano to? Gaano katagal? Ikaw bahala, basta ikaw bahala, bro [Dennis Trillo]," dagdag niya.
Sa Sabado ay gaganapin na ang concert ng cast members ng My Husband's Lover sa Araneta Coliseum. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News