ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Miss World Megan Young sa kanyang mga kababayan: 'Mabuhay tayong mga batang Gapo!'


Hindi napigil ng masamang panahon ang kagustuhan ni 2013 Miss World Megan Young na makita ang kaniyang mga kamag-anak at kababayan sa Olongapo City nitong Sabado.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dakong 2:00 p.m. nang dumating si Megan sa lungsod kasama sina Miss World Philippines national director Cory Quirino at Miss World chairperson at CEO Julia Morley. 

Unang dumaan si Megan sa isang mall kung saan nagtipon-tipon para sa kaniyang homecoming ang kaniyang mga proud na kamag-anak at mga kababayan.

Dito ay iginawad ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino kay Megan isang plake bilang pagkilala sa nakamit na tagumpay ng Startruck alumna na umukit ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinay na naging Miss World.



Sa maigsing pahayag, nagpasalamat si Megal sa mainit na pagtanggap at suportang ibinigay sa kaniya ng mga kababayan.

"I'm happy to be home. Maraming salamat sa mainit na pagtanggap sa'ken dito sa Olongapo... sa mga batang Gapo, mabuhay tayo mga batang Gapo!," masayang pahayag ni Megan.

Nang tumila ang ulan, nagsagawa ng motorcade si Megan na tumahak sa Rizal Avenue bago tumigil sa munisipyo upang tanggapin nina Megan at Morley mula kay Mayor Paulino ang simbolikong susi ng lungsod.

Matapos nito, magtutungo naman si Megan sa Tabacuhan District, na kabilang sa mga lugar sa lungsod, na matinding binaha para magsagawa ng feeding program. -- FRJimenez, GMA News