ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angelika dela Cruz, kinasuhan ang lalaking nagtangka umanong sumaksak sa kanya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinasuhan na ni Angelika dela Cruz ng attempted murder ang lalaking nagtangka umanong sumaksak sa kaniya habang nangangampanya sa Malabon noong Sabado.

Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Lunes, sinabing nagtungo si Angelika sa Malabon Fiscal's Office nitong Lunes ng tanghali para kasuhan si Pedro Becondado.

Ayon sa aktres, wala siyang ibang nakikitang motibo sa ginawa ni Becondado kung hindi pulitika.

Tumatakbong kapitan ng barangay Longos sa Malabon ang aktres.



Kwento ni Angelika, nangangampanya siya noong Sabado ng gabi nang biglang sumolpot si Becondado na armado umano ng patalim. Hindi naman nasaktan ang aktres dahil naging maagap ang mga kasama nitong bodyguard.

Binugbog naman ng mga tao si Becondado at nagtamo ng saksak sa dibdib.

Isang pulis na nasa lugar ang umawat sa kaguluhan at dinala ang suspek sa ospital kung saan ito nilalapatan ng lunas.

Sa ulat ng GMA news, itinanggi naman ni Becondado ang akusasyon laban sa kanya.

Sinabi ni Angelika na walang siyang nararamdamang galit sa suspek, at sa halip ay naawa umano siya sa pamilya nito.

Ipinapaubaya na rin niya sa imbestigador ang mga impormasyon na may sakit sa pag-iisip o wala sa katinuan ang lalaki nang mangyari ang insidente. -- FRJ, GMA News