Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joey de Leon, bilib sa bagong 'dabarkads' ng Eat Bulaga na si Valerie Weigmann


Bagaman isinilang sa bansa ng kaniyang ama sa Germany, bilib ang entertainment guru na si Joey de Leon sa husay ng pagta-Tagalog ng bago nilang dabarkads sa "Eat Bulaga" na si Valerie Weigmann.

Sa "Startalk TX" nitong Sabado, isinalang ni Joey at Allysa Alano sa unang "live" television interview si Valerie, isang modelo at ngayon ay aspiring television host.



Dahil German national ang ama at mula naman sa Bicol ang ina, biniro ni Joey si Valerie na isang "Ger-Col."

"Pwede, pwede 'yon," sagot naman ng dalaga.

Sa pagsagot sa tanong ni Allysa, napag-alman na nakakaapat na taon pa lang si Valerie sa Pilipinas pero matatas na pagta-Tagalog nito.

Si Valerie ngayon ang madalas kasama nina Jose Manalo at Paolo Ballesteros sa segment ng "Sugod-Bahay" ng Eat Bulaga! Nakakatatlong linggo na siya sa nabanggit na noontime show.

Kaya naman hindi kataka-taka nang sabihin ni Valerie na si Jose ang pinaka-close niya ngayon sa "Eat Bulaga," na inilarawan niyang very supportive sa kaniya.

Samantala, ang Kapuso young actor naman si Alden Richards ang crush niya sa industriya.

Sa tanong ni Joey kung may balak din ba siyang sumali sa mga beauty contest, sinabi ni Valerie na bagaman open naman siya dito, mas nakatutok ang atensiyon niya ngayon sa pagiging writer ng Eat Bulaga at sa modelling. -- FRJimenez, GMA News