ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras, iginiit na mabilis ang takbo ng taxi na kamuntik nilang makabanggaan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naghain ng reklamo sa pulisya ang isang taxi driver laban sa aktor na si Mark Herras at mga kasama nito dahil sa isang insidente ng away sa kalye na naganap sa Timog Avenue, Quezon City kamakailan.
 
Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Lunes, sinabing nagreklamo sa Quezon City Police District Station 10 ang taxi driver na si Salvador Ogdiman, dahil sa ginawang pagsuntok umano sa kaniya ng kasama ni Mark.
 
Nag-ugat ang gulo nang muntik nang magbanggaan sa panulukan ng Scout Torillo at Timog Avenue ang minamanehong taxi ni Ogdiman at Toyota Rav 4 ni Mark na minamaneho ng kapatid ng aktor.
 
Giit ni Ogdiman, mabilis ang takbo ng sasakyan ni Mark at kung hindi niya iniiwas ang taxi ay posibleng nagkabanggaan ang kanilang sasakyan.
 
Pero hinabol umano siya ng grupo ng aktor at pinagmumura, hinatak sa kuwelyo at sinuntok ng kasama ni Mark.
 
"Nong umiwas ako, humabol sila ngayon sa'kin— pagkahabol nila sa'kin, nagmumura sila, 'ayusin mo pagda-drive, a' sabi sa'kin. Sabi ko 'sir, kayo naman po ang may kasalanan, hindi naman po ako, e.' Kasi nga, kung hindi ko iniwas, babanggain niyo ako," kwento ng taxi driver.
 
Ang taxi ang mabilis ang takbo -- Mark
 
Paliwanag naman ni Mark, nakausli na ang harapan ng kanilang sasakyan sa panulukan nang biglang sumulpot ang taxi na mabilis umano ang takbo.
 
Dagdag pa niya, kung hindi nakapag-break ang kaniyang kapatid ay tiyak na mahahagip sila ng taxi at posibleng grabe ang kahitnan nito.
 
"Nakalabas na yung nguso [ng sasakyan] namin, dumiretso pa rin siya. So, buti na lang yung kapatid ko naapakan yung brake, as in totally brake agad. Tapos yung mga pasahero niya na dalawang matanda gumanon [pushed back,]" ani Mark.
 
Dagdag pa niya, "Kasi kung hindi kami nakapag-brake, as in head on talaga total wreck ang mangyayari. Pwedeng maaksidente ang dalawang matanda tapos ako pa yung katabi ng driver's seat, so malamang, pwedeng ako yung maaksidente rin."
 
Paliwanag din ng aktor, hindi siya bumaba ng kotse nang sandaling iyon at sinubukan pang awatin ang mga kasama. Hindi rin umano malakas ang pagsuntok ng kaniyang kasama dahil hindi rin naman daw nagbaba ng bintina ang taxi driver.
 
Pero makaraan ang insidente sa Timog, sinundan pa rin daw sila ng taxi driver hanggang sa gusali ng GMA at patuloy daw ito sa pagtuturo at tawag sa radyo. Nagdudulot na rin umano ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang panibagong komusyon kahit nandoon na ang ilang security guard.
 
Dito na umano lumabas ng sasakyan si Mark hawak ang baston bilang proteksiyon sa sarili kung ano man ang mangyari.
 
"Kasi may mga guard na ng GMA, e, parang nagko-cause na ng traffic. Ayaw pa rin niyang tumigil na parang gusto niyang makipag-away," patuloy ni Mark na nagsabing handa niyang harapin ang reklamo ng taxi driver. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

Tags: markherras