Marian Rivera at Ryzza Mae Dizon, magbigay kasiyahan sa mga guro
Pinasaya ng ilang celebrities kabilang sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at 'Aling Maliit' Ryzza Mae Dizon ang libu-libong guro sa "Gabay Guro" concert na idinaos nitong Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
"Kumbaga 'yung mga teacher nagiging ilaw sa mga estudyante para gabayan sila at matuto sila sa buhay nila. Pangarap ko rin maging teacher," pahayag ni Marian sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng "24 Oras" nitong Martes.
Kwento naman ng child wonder na si Ryzza Mae, naging mas malapit siya sa kanyang mga guro mula nang pumasok na siya sa eskwelahan.
Nagpasalamat pa nga ang child star sa kanyang mga guro dahil sa ginagawang pagtuturo sa kaniya.
Inawit ni Ryzza Mae sa naturang concert ang kanyang novelty song na "Look Up."
Umabot sa mahigit 30,000 na guro mula sa iba't ibang paaralan ang nakisaya sa naturang concert. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News