Filtered By: Showbiz
Showbiz

Miss Grand International 3rd runner up Annalie Forbes, nakabalik na sa bansa


Muling nagningning ang ganda at talino ng Filipina sa katatapos na Miss Grand International 2013 kung saan itinanghal ang pambato ng Pilipinas na si Annalie Forbes, bilang 3rd runner-up sa ginanap na coronation night sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 19.
 
"Sobrang excited po kasi first time ko rin na makapunta ng  international. Hindi nawala ang pressure dahil sa expectation ng mga Pinoy pero kinuha ko 'yon as a challenge para magkaroon ako ng momentum habang nandoon ako sa pageant," ayon kay Annalie na kababalik lang ng bansa, batay sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Huwebes.

 
Ang kandidata mula sa Puerto Rico na si Janelee Chaparro ang nagwagi sa naturang international beauty pageant, habang 1st runner up naman si Chantel Martínez ng Dominican Republic at 2nd runner up si Denisa Paseciakova ng Slovak Republic.
 
Sinabi ni Annalie na iniaalay niya ang nakamit na karangalan sa mga survivor ng bagyong "Yolanda."
 
Mga title holders mula sa bansa
 
Matatandaan na nitong Nobyembre ay itinaghal si Ariella Arida bilang 3rd runner-up sa prestihiyosong Miss Universe 2013 beauty pageant.
 
Mula nang sumali ang bansa sa Miss Universe, tanging sina Gloria Diaz (1969) at Margarita Moran (1973) pa lamang ang kinoronahan bilang Miss Universe na mula sa Pilipinas.
 
Nasungkit naman nina  Mutya Johanna Datul ang titulo bilang Miss Supranational at ni Megan Lynne Young bilang Miss World ngayong taon. Ito ang unang pagkakataon na napanalunan ng Filipina ang nabanggit na dalawang titulo.
 
Samantala, apat na Pinay naman ang nakasungkit na ng korona bilang Miss International na sina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), at Precious Lara Quigaman (2005).
 
Habang si Karla Henry pa lamang ang nag-iisang Filipina na nakasungkit ng korona bilang Miss Earth noong 2008.
 
Kinoronahan naman sina Maria Esperanza Manzano (2000) at Rizzini Alexis Gomez (2012) bilang Miss Tourism International. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News