ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vicky Morales at Megan Young, binigyan ng bituin sa Walk of Fame sa Eastwood


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kabilang na sina Vicky Morales at Megan Young sa mga kilalang personalidad na binigyan ng bituin sa Walk of Fame sa Citywalk Mall sa Eastwood, Quezon City nitong Linggo ng gabi.
 
Ayon sa ulat ng "Saksi" nitong Lunes, pinangunahan mismo ni Master Showman German "Kuya Germs" Moreno ang pagkilala sa mga personalidad na itinampok sa nasabing Walk of Fame. Siya rin ang nagsimula nito sa bansa. Sa naunang ulat ng 24 Oras noong Lunes, sinabi ni Vicky Morales na, "Talagang isang malaking karangal ang mapabilang ka rito sa mga taong may naiambag sa industriya ng showbiz or news and information. Mga pagkilalang ganito, it just goes to show na na-appreciate ang ginagawa mo." Ayon naman kay Megan, "Masayang-masaya ako kasi dati pumupunta lang ako dito tapos nakikita mo 'yong mga stars na may pangalan ng famous personalities."
 
Dalawampu't limang personalidad ang nabigyan ng bituin ngayong taon at kabilang na rito sina Manding Claro (matinee idol noong 1950's), Wing Duo na sina Angie Yoingco at Nikki Ross, Jamie Rivera, German Moreno,  Alice Eduardo, Joel Torre, TJ Trinidad, Edgar Mortiz, Bembol Roco, Direk Laurice Guillen, Vicky Morales, Gladys Reyes, at Toni Gonzaga.
 
Bukod pa rito, binigyan din ng bituin sina Dr. Manny at Pie Calayan, Joel Cruz, first Miss Universe Armi Kuusela, 1973 Miss Universe Margie Moran, at mga naging Miss International na sina Stella Marquez-Araneta, Melanie Marquez, Gemma Cruz, Precious Lara Quigaman, at Aurora Pijuan. 
 
Samantala, napasama rin sa Walk of Fame ang CNN reporter na si Anderson Cooper at ang may dugong Pinoy na si Rob Schneider. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News