Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sakit na cancer, nalampasan ni April Boy Regino


Masayang ibinalita ng singer na si April Boy Regino sa programang "StarTalk TX" nitong Sabado na nalampasan niya ang nakamamatay na sakit na cancer.

"Sa ngayon po ay cancer free na 'ko. Salamat po sa Diyos at binigyan niya ako ng panibagong buhay," pahayag ni April Boy sa live interview sa kaniya nina Butch Francisco at Heart Evangelista sa "Startalk" ng GMA-7.

Sinabi ng singer na nasa likod ng mga sikat na kanta gaya ng "Hindi Ko Kayang Tanggapin" at "Honey My Love So Sweet," na taong 2009 nang matuklasan niya na mayroon siyang prostate cancer habang naninirahan sa Amerika.



Gaya ng ibang nagkaroon ng cancer, inamin ni April Boy na pinanghinaan siya ng loob at hindi matanggap ang magkakaroon ng naturang karamdaman.

Ikinuwento rin niya na dumating ang sandali na ayaw na niyang bumangon o kumain dahil pumasok na sa kaniyang isip na malapit na siyang mamatay.

Pero ang kaniyang pamilya umano ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob at sinamahan nila ng panalangin at pag-inom niya ng mga gamot.

Kahit nagretiro na bilang entertainer para magpahinga, nagawa pa rin ni April Boy na magtanghal para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Labis din ang pasasalamat niya sa kaniyang mga tagahanga na lubos ang pagsuporta sa kaniyang mga awitin. -- FRJimenez, GMA News