ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame, inilahad ang pinagsisisihan sa buhay; sinagot din ang isyu na lulong siya sa casino


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa isang pambihirang pagkakataon, humarap sa programang "Startalk TX" ang kontrobersiyal na television host na si Willie Revillame, at sinagot ang mga isyung ibinabato sa kaniyang tulad ng pagiging lulong umano nito sa casino. Isiniwalat din ni Willie ang isang bagay na pinagsisihan niya sa kaniyang buhay.

Sa simula pa lang ng panayam nina Ricky Lo at Lolit Solis sa programang "Startalk TX" na ipinalabas nitong Sabado, inihayag na ni Willie na katotohanan lang ang mga sasabihin niya at walang halong kasinungalingan at pagkukunwari.

Kaugnay sa pagkawala sa ere ng kaniyang programa sa kabilang television network, sinabi ni Willie na dumating ang pagkakataon na naisipan niyang magpahinga na muna matapos ang siyam na taon ng paghawak ng noontime show.

Bilang isang mabuting sundalo, sinabi ni Willie na nagpasya siyang magpahinga matapos din siyang sabihin ng kaniyang network na hindi nagre-rate ang kaniyang programa at walang advertisers.



Ang pagpapahinga niya ay pagkakataon na rin umano sa network na makaharap ng show na pwedeng mag-rate at makakuha ng advertisers para sila makabawi. Pero paglilinaw ni Willie, inalok siya ng kaniyang network na mag-renew ng kontrata taliwas sa hinala ng iba.

Bukod sa pagpapahinga alinsunod na rin sa rekomendasyon ng kaniyang duktor dahil sa kaniyang kalusugan, sinabi ni Willie na nais niyang tutukan ang kaniyang mga negosyo tulad ng pagpapatayo ng mga hotel.

Nilinaw din ni Willie ang isyu tungkol sa pagbawi umano sa mga kotse na iniregalo sa kaniyang mga tauhan.

Paliwanag niya, ang mga kotse na ibinigay sa mga staff ay kinuha nang magkaroon ng problema tulad ng mga umalis. Aniya, ang kumpanya niya ang nagbabayad sa mga kotse at binabawi lang ito para ibigay naman sa mga staff na nananatiling nagtatrabaho sa kanya.

Idinagdag ni Willie na natutuwa siya sa mga staff niya na hindi kaagad umalis sa kaniya.

" Alam mo ang nakakatuwa sa mga staff ko ayaw kaagad nilang mag-committ sa ibang mga shows. Binigyan ko sila ng 13th month pay at binigyan ko sila ng bonus nitong December para naman...naiintindihan ko ang sitwasyon nila, walang trabaho so dapat may pampasalubong sila sa Pasko," ani Willie.

Tungkol sa pagsesermon niya sa kaniyang mga tauhan habang nasa ere ang programa, sinabi ni Willie na ginagawa niya ito para matuto sila.

"Kasi for the longest time araw-araw kaming magkakasama hindi ka pa natututo kailan ka matututo? Lagi na lang ba kitang pagsasabihan sa likod ng kamera," paliwanag niya. "Pag pumasok ka sa isang propesyon dapat aralin mo."

Kinakausap din umano niya at pinapangaralan ang kaniyang mga tauhan na mahalin ang trabaho na bumubuhay sa pamilya nila.

Lulong sa sugal?

Hindi naman itinanggi ni Willie ang pagsusugal sa casino pero iginiit niya na bahagi iyon ng kaniyang paglilibang.

Dagdag pa niya, kung nagpapatalo man siya ng malaking halaga, pinaghirapan niya ang pera at hindi niya ninakaw.

"Hindi ako nagpapatalo na talagang in the sense na pinapatalo mo yung pera para magsugal ka. Paminsan minsan naglilibang ka sa sarili mo. You work so hard and then... saka ang imporante hindi ko ninanakaw yung perang pinangka-casino ko," paliwanag niya.



Patuloy pa ni Willie, may kasamang pagkipag-meeting kung nagpupunta man siya sa mga hotel na may casino.

Personal na buhay

Tungkol sa lagay ng kaniyang kalusugan, sinabi ni Willie na maganda ang resulta ng kaniyang nakaraang executive chek-up at bumubuti ang kalagayan ng kaniyang puso na patuloy umanong tumitibok-tibok.

Nang tunungin kung sino ang babaeng nagpapatibok ng kaniyang puso, natatawang sagot ng 52-anyos na si Willie: "Kung anoman yung tumitibok-tibok na 'yan, sa'kin na lang yung tibok na 'yan."

Samantala, itinuturing good news ni Willie ang balitang ikakasal na sa actor-model na si Victor Aliwalas ang dati niyang misis na Liz Almoro, kung saan mayroon siyang isang anak.

Pero aminado si Willie na hindi magiging maganda kung dadalo pa siya sa kasal nito.

Hindi rin niya itinanggi na ipinapaayos na niya sa kaniyang abogado ang paghahati-hati ng ari-arian na maaari niyang iwan sa kaniyang apat na anak.

Bagaman hindi raw alam ni Willie kung magkano talaga ang kaniyang mga ari-arian, sinabi nito na kung iiwan na niya ang mundo, nais din niyang magbigay ng bahagi ng kaniyang kayamanan sa mga mahihirap.

Sa lahat ng mga kontrobersiya at pagsubok na pinagdaanan, sinabi ni Willie na wala siyang pinagsisihan... maliban sa isang bagay.

"Never akong nagsisi [sa buhay]. Lahat ng mga failure ko, natuto ako sa buhay ko. Siguro ang isang pinagsisihan ko e siguro yung I would say wala akong naging tunay na pamilya," paglalahad ni Willie.

Nakatakdang magtungo si Willie sa Tacloban City sa Linggo kasama ang ilang surpresang bisita para maghatid ng kasiyahan sa mga nasalanta ng bagyong "Yolanda." -- FRJimenez, GMA News