Ryzza Mae Dizon, binigyan ng katuparan ang Christmas wish ng fan na galing sa abroad
Binigyan katuparan ng Kapuso child star na si Ryzza Mae Dizon ang Christmas wish ng isa sa kaniyang mga tagahanga na galing pa sa ibang bansa.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing pinasaya ng "My Little Bossings" star na si Ryzza ang kaniyang four-year-old fan na si Denise na galing pa ng Abu Dhabi.
Ayon sa ulat, umuwi ng Pilipinas kamakailan si Denise kasama ang ina para magbakasakali na masilayan ang kaniyang idolo.
Una rito, nagshare sa Facebook account ng dzBB ang pamilya ni Denise para ipaalam ang wish ng bata na gustong ma-meet ng personal ni Denise si Ryzza.
Ayon sa ina ng bata, lubhang ginagiliwan ng kaniyang anak ang programa ng Kapuso child star na "The Ryzza Mae Show" na napapanood sa GMA-7.
Sa tulong ng dzBB at Unang Hirit, gumawa sila ng paraan makaharap ni Denise ang idolo, at hindi naman siya binigo ng "Aling Maliit."
At nang inglesin na si Ryzza ni Denise, hirit ng ating child wonder: "Nosebleed po 'to, nosebleed, welcome to the Philippines!."
Bagamat tila na-starstruck at hindi makapagsalita si Denise nang makaharap ang idolo, makikita naman ang kasiyahan sa bata na may ginawa pang Christmas card para sa batang TV host-actress.
Ang ginawa ni Ryzza ay pagpapakita na kaya walang pinipiling edad ang pagkakaloob ng kasiyahan sa kapwa ngayong kapaskuhan. -- FRJ, GMA News