Chito Miranda, nilinaw ang isyu na kasal na sila ni Neri Naig
Marami ang nag-akala na kasal na ang singer na si Chito Miranda at nobya nitong si Neri Naig matapos mag-post ng larawan nila sa Instagram ang vocalist ng bandang Parokya ni Edgar na may mensaheng "Merry Christmas from Mr. & Mrs. Miranda."
Nakatawag ng pansin sa netizens ang naturang post at marami sa kanilang followers at supporters ang bumati sa pag-aakalang kasal na ang dalawa.
Pero sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, nilinaw ni Chito na paraan lang ng kaniyang paglalambing kay Neri ang mensaheng nakalagay sa larawan.
"Nope. Not yet. Sana by next year :)," sagot ni Chito sa katanungan ng isang kaibigan kung kasal na nga sila. " I was just being sweet. Hehe! Didn't think people would take it seriously! Haha!,".
Nitong nakaraang Agosto, nasangkot sa kontrobersiya ang magkasintahan nang kumalat sa internet ang kanilang sex video.
Pero makaraan ng ilang buwan, sinabi ni Chito na nakapag-move on na sila ni Neri sa iskandalo at lalo raw tumibay ang kanilang relasyon. -- Rie Takumi/FRJ, GMA News