ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Carmela,' tiyak na mapapamahal sa mga manonood, ayon kay Marian Rivera


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

All star cast ang bubuo sa inaabangang Kapuso primetime series na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, na pangungunahan ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

“Kakaibang Marian Rivera ang mapapanood ng viewers bilang si Carmela. Very excited ako sa role ko rito dahil masasabi ko na isa ito sa pinakamahirap na dramas na gagawin ko," ayon sa magandang aktres.

"Siguradong mapapamahal sa viewers si Carmela. Kaya nagpapasalamat ako sa GMA dahil ipinagkaloob nila sa akin ang magandang proyektong ito,” dagdag ni Marian.

Magiging leading man ni Marian sa Carmela sa unang pagkakataon ang binansagang "Crush ng Bayan" at Kapuso heartthrob na si Alden Richards, bilang si Yago.



Kasama rin sa serye sina Agot Isidro, Raymond Bagatsing, Jennica Garcia, Rochelle Pangilinan, Roi Vinzon, Freddie Webb,  Eva Darren, Krystal Reyes, Ana Feleo, RJ Padilla, at ang batikang aktres at direktor na si Ms. Laurice Guillen.

Gagampanan ni Agot ang karakter bilang ina ni Carmela. Habang isang uptight and religious woman naman ang role ni Ms. Laurice na asawa ni Roi, isang ambisyosong politiko.

Ang kagandahan na inaasam marahil ng maraming kababaihan ang magiging tila sumpa naman kay Carmela, na huhusgahan ng mga tao at maging mga malalapit sa kaniya.

Ang Carmela ay pamamahalaan ng batikang TV director Dominic Zapata, na siyang nasa likod ng pinag-usapang primetime series ng GMA Network, My Husband’s Lover.

Ayon kay Direk Dominic, tiyak na susubaybayan ng mga manonood ang bagong tambalan nina Marian at Alden.

“I like it that they are being paired together for the first time because as artists they are forced to bring something new to the table.  And being the consummate professionals that they are, I am sure they welcome both the opportunity to showcase their acting dexterity in the challenge to help create new characters na mamahalin ng viewers,” paliwanag ng batikang direktor.
 
Abangan kung papaano muling babangon at lalaban mula sa dinanas na kaapihan si Carmela kahit isakripisyo pa niya ang pagmamahal niya kay Yago.

Ang orihinal na istorya ni Carmela ay likha ng GMA Drama group sa ilalim ng pamamahala ng Senior Vice President for Entertainment TV na si Ms. Lilybeth G. Rasonable; Vice President for Drama Redgie A. Magno; Assistant Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy; Program Manager Helen Rose S. Sese, at Executive Producer Carol Galve.
 
Ang creative team ay binubuo nina Creative Director for Drama, Jun Lana; Creative Head for Primetime Block,  RJ Nuevas; Creative Consultant,  Dode Cruz; at Suzette Doctolero, bilang concept creator at creative writer.
 
Panoorin ang pagdating ni Carmela: Ang Pinakamagandang Babae Sa Mundong Ibabaw simula sa Enero 27 sa GMA Telebabad. -- FRJimenez, GMA News