Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gov. Vilma Santos–Recto, gustong mag-producer at mag-direk ng pelikula


Bagamam abala ang "Star For All Seasons" at Batangas governor Vilma Santos–Recto sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Batangeño, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa entertainment industry. 
 
Katunayan, kung mabibigyan daw siya ng pagkakataon, gusto niyang subukan ang maging producer o direktor.
 
"Given a chance na ano pa ang puwede kong magawa sa pelikula, talagang gusto kong mag-produce at saka gusto ko mag-direct," pahayag ng batikang aktres sa ulat ni Lhar Santiago sa "Balitanghali" nitong Huwebes.

 
Kasabay nito, nagpasalamat naman ang aktres sa natanggap na parangal bilang "Best Actress" sa katatapos na Dhaka International Film Festival sa Bangladesh para sa pagganap niya sa pelikulang "Ekstra" (The Bit Player).
 
"Ang saya ko naman dahil kahit papano na-acknowledge naman ang ginawa kong Ekstra. So happy ako kaya pagkakataon ko na ito para magpasalamat sa lahat ng mga nakasama ko sa Ekstra, higit sa lahat kay Direk Jeffrey [Jeturian] at Atty. Joji [Alfonso, ang producer ng palabas.]," ani Ate Vi.
 
Ang naturang parangal ang ikatlong international Best Actress award ng batikang aktres.
 
Natutuwa si Ate Vi na kinilala siya sa isang pelikulang itinuturing niyang pagpupugay sa mga ekstra.
 
Samantala, lalo naman lumakas ang hiling ng mga Vilmanian, tawag sa mga tagahanga ni Ate Vi, na muli siyang gumawa ng pelikula ngayong taon. 
 
Aniya, "Pipiliin ko na lang siguro kung ano ang sa tingin ko, that will challenge me." -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT