Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vhong Navarro, naka-blotter sa Taguig police dahil sa pamumuwersa daw sa 22-anyos na babae -- report


Nagsasagawa na rin daw ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring pambubogbog sa TV host-actor na si Vhong Navarro. Sa isang ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Sabado, napag-alaman na ipina-blotter sa Taguig police ang komedyante at ireklamo umano ng pamumuwersa sa isang 22-anyos na babae sa Bonifacio Global City.
 
Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras Weekend," sinabi nito na nagtungo siya sa tanggapan ng Southern Police District sa Bonifacio Global City at nakita ang police blotter na pirmado mismo ni Ferdinand Navarro, ang tunay na pangalan ni Vhong.

Sa blotter, nakadetalye umano ang nangyari nang gabing bugbugin si Vhong noong Miyerkules, Enero 22, sa isang condominuim sa Bonifacio Global City.

Basahin: Vhong Navarro, na-ospital matapos bugbugin ng 6 na kalalakihan; sasailalim umano sa operasyon

Nakasaad sa blotter na dakong 10:00 p.m. nang bumisita si Vhong sa condominium unit ng isang 22-anyos na babaeng estudyante, na itinago ang pangalan.



Nang makapasok na umano ang aktor, nagulat  daw ang babae nang biglang hawakan ni Vhong ang kanyang kamay at hinila ang kanyang buhok at pilit na pinaupo.

Ngunit nanlaban daw ang babae at tumakbo sa kwarto nang maramdaman ang motibo umano ng aktor.  Gayunman, nagtungo din umano si Vhong sa kuwarto at pinilit siyang inihiga sa kama at tinangkang ibaba ang kanyang shorts.

Ayon pa sa ulat, nagmakaawa umano ang babae na itigil ni Vhong ang pag-atake pero di raw ito tumigil at pumaibabaw daw sa dalaga.

Sa sitwasyong nabanggit, dumating umano sa condo unit ang dalawang kaibigan ng babae at sumaklolo sa biktima at isinagawa ang "citizen's arrest."

Basahin: Celebs, fans, nag-alay ng dasal para kay Vhong Navarro

Dinala rin daw ng mga ito si Vhong sa himpilan ng pulisya para ipa-blotter ang pangyayari.
Pero nakasaad sa dulo ng blotter na hindi na itutuloy ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa aktor.

Sinabi rin sa ulat na isang dokumento na nakuha mula sa security agency na nagpapatotoo na nagpunta ni Vhong sa unit nang nabanggit na araw, pati na ang pagdating ng kaibigan ng babae.

Patuloy daw silang nagsasagawa ng kanilang sariling imbestigasyon.

Sinabi pa sa ulat na sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng kampo ni Vhong pero wala umanong tugon ang mga ito hanggang sa umere ang balita.

Pero sa pahayag na ipinalabas ni Direk Chito Roño nitong Biyernes, manager ni Vhong, sinabing nagtungo sa condo ang aktor dahil sa imbitasyon ng isang kaibigang babae.

Sa hindi binanggit na dahilan, inatake raw ng may anim na lalaki si Vhong, piniringan, binugbog at hiningan umano ng pera.

Nagpapagaling na si Vhong sa ospital na nagtamo ng pamamaga sa mukha at halos nagsara ang mga mata dahil sa nangyaring pag-atake.

Idinagdag sa ulat ng "24 Oras," na sinisilip na rin ng NBI ang insidente at maglalabas ng ulat sa susunod na linggo. -- FRJimenez, GMA News