ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kampo ni Vhong Navarro, nakipagpulong kay Justice Sec. De Lima
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nagpunta sa Department of Justice ang kampo ni Vhong Navarro nitong Lunes ng hapon, ayon sa programang “Balita Pilipinas.”
Hindi pa matukoy ang naging dahilan ng pagpunta ng abogado ni Vhong na si Atty. Dennis Manalo at manager nito na si Chito Roño.
Nauna nang ibinalita na nagbigay ng pahiwatig ang kampo ni Vhong na makipagpulong kay Justice Secretary Leila De Lima kaugnay ng kasong kinasasangkutan ng aktor.
Sa kasalukuyan ay nasa ospital pa rin ang aktor matapos magtamo ng mga sugat at pasa mula sa pambubugbog sa kanya noong nakaraang linggo. Ayon sa abogado nito na si Alma Mallonga, nakatakdang operahan ang aktor. Wala na siyang iba pang impormasyon na sinabi ukol dito.
Binugbog si Vhong ng ilang kalalakihan sa isang condominium sa Bonifacio Global City noong Enero 22. Inimbitahan umano ng isang dalaga si Vhong sa condominium unit nito nang bigla na lamang sugurin ang aktor ng mga lalaki.
Ngunit sa isang blotter naman na nakita ng GMA News, nakasaad dito na inireklamo ng babae si Vhong dahil sa pamumuwersa umano nito sa 22-anyos na dalaga. Sumaklolo lamang umano sa babae ang kanyang mga kaibigan kaya binugbog ng mga ito si Navarro.
Depensa pa ni Deniece Cornejo, siya umano ang biktima sa naging insidente noong Miyerkules.
Pulis, iniimbestigahan na ang insidente
Sa panig naman ng pulisya, sinabi ni Sr. Supt. Roberto Fajardo, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region, na kasalukuyang iniimbestigahan ang insidenteng kinasasangkutan ng aktor.
“The case is being investigated by Taguig PNP. The case was initially brought to the attention of the Southern Police District. Ni-record nila and it will eventually [be] forwarded to the Taguig City Police Station now for the record,” ani Fajardo sa isang press conference nitong Lunes.
Bukod sa kriminal na aspekto ng kaso, titignan din umano kung may mga administratibong paglabag sa batas ang mga pulis na nag-asikaso sa blotter ni Vhong.
“Kasama sa invesitgation nun ‘yung criminal aspect at saka ‘yung administrative, kung sinunod ba ng pulis yung procedures. If ever we found out na may pagkukulang ang pulis natin, we will initiate appropriate actions,” paliwanag nito.
Lehitimo umano ang citizen's arrest na ginawa kay Vhong Navarro. Gayunpaman, hindi pa rin umano tama ang naging pambubugbog dito.
“Ang citizen's arrest under a certain condition pwede ‘yun [basta] pagkaaresto turnover nila [sa pulis]… Now at first glance, di mo na masasabi kung sino ang binugbog [o nambugbog] sa kanya, unless may [mag] file ng complaint at kailangan pa rin ng interview ‘yun,” paliwanag ni Deputy Director General Felipe Rojas.
“Whether citizen's arrest o sa pulis, bawal mambugbog ng suspect,” aniya.
Samantala, kinuwestyon naman ni Sr. Supt. Fajardo na diumano’y nauuna pang magsalita sa media ang kampo ni Navarro bago ito maglagak ng reklamo sa pulis. Aniya, hindi aandar ang kaso kung walang nakahaing reklamo.
“Paano mag-aact ang PNP na walang complaint. Puro sila dakdak sa media. Ang gusto nga namin, pumunta sila sa amin and we will be willing to assist them,” sabi nito.
“Sa media lang sila nagsasalita. Hindi naman sila nagkocomplain so it will not stand in court,” pahayag pa nito. — Rouchelle R. Dinglasan/JDS, GMA News
More Videos
Most Popular