ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mas mabigat na kasong rape, ikakasa ng kampo ni Deniece Cornejo vs Vhong Navarro


Panggagahasa at hindi tangkang panggagahasa ang ihahain na reklamo ng kampo ni Deniece Cornejo laban sa TV host-actor na si Vhong Navarro.

Nauna nang nagsampa nitong Martes ng hapon ang mga abogado ni Vhong ng mga kasong serious illegal detention, serious physical injury, grave threat, illegal arrest at coercion laban kina Deniece, at sa kaibigan nitong si Cedric Lee at iba pa.

Ang kaso ay kaugnay sa ginawa umanong pambubogbog at paghingi ng pera ng mga akusado laban sa aktor. (Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers)

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news "24 Oras" nitong Martes ng gabi, sinabi ni Atty. Howard Calleja, abogado nina Deniece at Cedric, wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamong inihain ng aktor sa Department of Justice.



Kampante at handa raw ang kampo ni Calleja na sagutin ang mga reklamong inihain ni Vhong.

Paliwanag ng abogado, ang nangyayaring pananakit kay Vhong ay bunga umano ng reaksiyon dahil nangyaring panggahasa ng aktor sa dalaga.

Taliwas sa nakatala sa police blotter na "attempted rape" ang ginawa umano ni Vhong kay Deniece, sinabi ni Calleja na nagahasa ng aktor ang dalaga base sa ginawa nilang pag-analisa sa impormasyong ibinigay ng modelo.

"Sa aming evaluation, there was a... it was not only attempted but there is a rape. And it appears from our study and understanding of the facts that the incident constituted rape," paliwanag ni Calleja.

Nauna nang sinabi ni Cedric na maghahain sila ng kaso laban kay Vhong ng rape o attempted rape, at posible rin ang kasong libel.

Samantala, sinabi ni Marisol na sa pamamagitan ng text message na ipinadala sa GMA News, sinabi umano ni Deniece na bukas (Miyerkules) nila isasampa ang reklamo laban kay Vhong.

Ayon naman sa abogado ni Vhong na si Atty. Almo Mallonga, hindi totoo ang panggagahasa at masyado na raw huli para baguhin ni  Deniece ang kaniyang kwento.

Hinimok din umano ng abogado ang kampo ni Deniece na magsampa lamang ng reklamo. -- FRJimenez, GMA News