Joey Marquez at Alma Moreno, may chance pa kayang magkabalikan?
Excited si Joey Marquez sa kaniyang nagbabalik bilang Kapuso kung saan kasama siya sa bagong drama series na "Paraiso Ko'y Ikaw."
Sa ulat ng "Starbites" ng "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nacha-challenge daw si Joey sa nabanggit na serye dahil drama ang tema nito gayung mas nasanay siya sa comedy shows.
Ayon sa aktor, hanga rin siya sa tambalan ina Kim Rodriguez at Kristoffer Martin na mga bida sa "Paraiso Ko'y Ikaw."
Nalungkot naman at napaluha umano si Joey nang hingin ng pahayag sa nangyari sa kaniyang dating asawa na si Alma Moreno na napaulat na hiwalay na uli sa napangasawa nitong si Marawi City Mayor Sultan Fahad Salic.
Basahin: Alma Moreno has decided to separate from husband Mayor Fahad Salic
Nang tanungin kung may chance pa kaya na magkabalikan sila ni Alma, ayon kay Joey, hindi naman umano iyon nawawala pero ang pinagtutuunan daw nila ni Alma ay ang hindi mawala ang chance na maging mabuti silang magulang sa kanilang mga anak. -- FRJ, GMA News