ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wally Bayola: 'Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan'


Sa kaniyang pagbabalik sa "Eat Bulaga!" nitong Sabado, emosyunal na humingi ng kapatawaran ang komedyanteng si Wally Bayola sa kaniyang pamilya sa programa at mga manonood dahil sa nagawa umano niyang kasalanan.

Wally Bayola: "Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan. Sana mabigyan niyo pa ho ako ng isang pagkakataon para maiayos ko ang buhay ko."

May limang buwan ding hindi napanood sa longest noontime show si Bayola matapos kumalat sa internet ang kaniyang sex scandal kasama ang isang dancer.

Basahin: Sex video umano ni Wally Bayola at isang dancer, kumalat sa internet

Sa segment ng kanilang programa kasama sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros, binigyan ng pagkakataon si Wally na magsalita at ihayag ang saloobin.

"Sa Eat Bulaga, sa mga manonood sorry po," panimula ni Wally na bahagyang nababasag ang tinig at pigil ang pagpatak ng luha.

"Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan. Sana mabigyan niyo pa ho ako ng isang pagkakataon para maiayos ko ang buhay ko... patawad po sa inyong lahat, sorry po," naiiyak na pagtatapos ni Wally sabay yakap sa katabing sina Jose at Paolo.

Jose kay Wally: 'Sana maging maayos na ang buhay mo'

Dahil itinaon ang pagbabalik ni Wally sa selebrasyon ng kaarawan ni Jose, pinapasukan ng dabarkads ng kantang "Happy Birthday" ang emosyunal na sandali para mahaluhan ng kasiyahan.

Dito naman nagbigay ng tila payo si Jose para sa kaniyang kaibigang si Wally, na batid naman daw na nagsisi na sa nagawa nitong pagkakamali.

"Sabi nga natin lahat naman tayo, lahat ng tao nagkakaroon ng pagkakasala, lahat ng tao nagkakaroon ng pagkakamali. Ang importante kung papaano natin tatanggapin, papaano natin aaminin sa sarili natin," ani Jose.

Patuloy niya, "Ang tao minsan matigas na hindi kayang aminin yung pagkakamali, pero ngayon nandito ka naman sa harap ng maraming tao at itinaon mo sa bithday ko ha...na inaamin mo na lahat ng kasalanan mo."

Bilin pa ni Jose kay Wally: "Ang Diyos hindi marunong magparusa, hindi ka pinaparusahan, ang Diyos masuwerte ka nagkakaroon ka ng problema dahil 'pag nakakaroon ka ng problema dun mo lang siya naalala. At nang mga time na 'to siguradong malalapit ka lalo sa Kaniya, at sana maging maayos na ang buhay mo 'pag iisip mo at kung ano man ang nasa utak mo."

Ang paghingi ng tawad sa publiko ang isa sa mga nabanggit ni Vic Sotto na dapat gawin ni Wally kung babalik ang komedyante sa "Eat Bulaga."

Basahin:  Vic Sotto says Wally Bayola should apologize over sex video scandal before making comeback

Unang umugong sa social media nitong Biyernes ang posibleng pagbabalik ni Wally sa "Eat Bulaga!" ngayong Sabado, dahil na rin sa ibinigay na palaisipan kung sino ang bubuo sa hawak na kabiyak na puso ni Jose.

Basahin: Wally Bayola, babalik na sa 'Eat Bulaga!' sa Sabado?

Bago ang pagbabalik niya sa "Eat Bulaga," unang nagbalik si Wally sa kaniyang trabaho bilang stand-up comedian sa establado nitong nagdaang Enero. Basahin: Wally Bayola, balik-trabaho na matapos ang kinasangkutang 'sex scandal.' -- FRJimenez, GMA News