Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang buhay at pag-ibig ni Rene Boy 'Ate Glow' Facunla


Si Ate Glow ang isa sa mga kilalang impersonator sa bansa na tumatak sa maraming manonood dahil sa kaniyang galing sa paggaya sa dating president ng Pilipinas na si Gloria Macapagal–Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga.

At tila kasabay sa pagbaba ni Arroyo sa Palasyo noong 2010 ay unti-unti na ring nabawasan ang ningning ni Ate Glow sa show business hanggang sa huli siyang mapanood sa pelikulang "Moron 5 and the Crying Lady" noong 2012.

Ate Glow sa GMA News TV's  Tunay Na Buhay

"I think siya 'yong kauna-unahan na nag-impersonate na talagang kamukhang kamukha. 'Yong mouth gesture ni ex-President Gloria Macapagal, diba, kuhang kuha niya," pahayag ni Rey Pumaloy, showbiz columnist, tungkol kay Ate Glow.

"Tapos nilagyan niya ng comic flavor kaya nakaka-aliw. So, doon na tumataktak na meron palang makakatuwang mannerism si  PGMA," dagdag nito.

Ngunit kahit hindi na masyadong aktibo sa showbiz,  hindi naman dito natapos ang kaligayahan ni Ate Glow.  Nang binisita siya sa kaniyang kaibigan sa London, mayroon siyang nakilalang lalaki na nagpatibok sa kaniyang puso.

Sa isang episode ng programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos sa GMA News TV,  ibinahagi ni Ate Glow, Rene Boy Facunla sa tunay na buhay, ang kanyang buhay at pag-ibig sa isang Briton na nagpapasaya sa kaniya ngayon.

Tanggap ng pamilya

Ipinanganak  si Rene Boy noong Marso 10, 1981. Siya ang pangatlo sa apat na magkapatid.

Ayon kay Ate Glow, kailanman ay hindi naging problema ang pagiging bakla nito sa kaniyang pamilya at tanggap na siya ng kaniyang ama na isang pulis noong nabubuhay pa ito.

Wika ni Lorena Facunla, ina ni Ate Glow, "Sasabihin niya lang sa'kin [mister], mahina yata ang anak natin, parang ganon, parang binabae yata. Ang sabi ko naman, ganon talaga, pabayaan mo na, ganon talaga, binabae talaga 'yan."

Pag-alala pa ng komedyante, tatlo o apat na taong gulang pa lang ito, alam na niyang iba siya sa ibang lalaki.

"Alam ko na hindi ako straight na lalaki," batid niya. "So, nung mga time na 'yon alam ko na iba ang mga hilig ko. But I wasn't the typical gay ha, na mahilig maglaro ng barbie, hindi."

Sa katunayan, mahilig daw si Ate Glow sa mga panlalaking laro tulad ng luksong baka at  tumbang preso kasama ang kaniyang mga kapatid.

"My sexuality was never an issue. Kaya siguro ganito 'rin ang nangyari sa'kin I have the sense of self-confidence kasi nga my parents provided me all the love and care I needed in this world," saad ni Ate Glow.

Pagkilala sa sarili sa labas ng tahanan

Isang malaking bagay umano para kay Ate Glow na isa siyang honor student kaya hindi ito nahirapan sa pakikihalubilo sa mga kasamahan sa eskwela.

"Siguro malaking bagay na honor student ako and I was a leader in our school kaya my classmates look up to me," aniya.

Kuwento pa nito, sinasalihan daw niya ang halos lahat ng extra-curricular activities sa eskwela.

"Napaka flamboyant ko as a person, maingay ako. Lahat ng mga extra-curricular sa school namin mula elementary sinalihan ko, ako 'yong nagturo ng sayaw, ako 'yong kumakanta, ako 'yong sa mga play, lahat," pahayag nito.

Ngunit mas lumawak pa ang pag-intindi nito sa sarili sa pagpasok niya sa kolehiyo. Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas.

"Nong pumasok na ako ng kolehiyo, mas malaya kasi lahat nong mga classmates mo talagang ano, ipu-push ka pa nila to discover yourself more," banggit nito.

Rene Boy bilang Ate Glow

Taong 2003 nang lumitaw ang pangalang Rene Boy sa publiko nang sumali ito sa taunang programa na Live Aids, UP SAMASKOM, kung saan tumayo ito bilang impersonator ng dating Pangulong Arroyo.

At dahil sa angking talento, nabigyan siya ng oportunidad na makapasok sa showbiz.  Sa parehong taon din, napasabak siya sa harap ng television camera bilang man on the street segment host ng programang "Wazzup, Wazzup" na nagtatanong sa pulso ng taong bayan.

Ayon kay Direk Bidz Dela Cruz, isa sa mga nakatrabaho ni Ate Glow, "Hindi siya 'yong basta-basta bading [na] humor lang. Hindi siya basta-basta slapstick comedy na nang-aasar lang ng tao, intellectual humor, that's one part. "

"Hindi mo ma-impersonate ang isang president ng basta-basta lang na bading humor lang," patuloy nito.

Mula sa telebisyon, pinasok naman ni Ate Glow ang pelikula nang mapasama siya sa "My First Romance" noong 2004. Gumanap siya rito bilang si Yaya Glow at nakasama niya sina Heart Evangelista at John Prats.

Ayon kay Giselle Sanchez, "Yong mga jokes niya minsan kung hindi ka nagbabasa ng mga newspaper o medyo shunga-shunga ever ka, hindi mo maiintindihan kasi talagang wiity ka, kailangan smart ka para maintindihan 'yon."

Taong 2005  nang personal niyang makaharap ang dating pangulo. Napili kasi ito bilang kinatawan ng isang anti-drug campaign ni GMA.

Pag-alala pa ni Ate Glow, "Pagkaharap din namin, it was also a validation na, na-confirm ko rin na hindi pala siya sa'kin galit. The reason why she likes me doing an impersonation of her was because I'm a smart person daw."

Late bloomer

Bukas naman si Ate Glow sa kaniyang buhay pag-ibig ngunit inamin nitong "late bloomer" siya pagdating sa pag-ibig.

"Alam mo may pagka-late bloomer ako when it comes to relationship, e," pag-amin nito. "Pero may mga crush na ako, mahilig ako sa mga chinito noon, may crush akong mga chinito na mga classmates ko."

Nagkaroon ng dalawang kasintahan si Ate Glow na Filipino at naging seryoso ito nang makilala niya ang isang Caucasian sa Dublin.

Aniya, "Pero nung time na 'yon, neneng nene pa ako no'n, e. Mas marami pang play time lang 'yon, parang ganon ganon lang 'yon."

"When I had my first Caucasian boyfriend na Irish, na-meet ko 'to sa Dublin— that was like five years ago," patuloy nito.

Noong nakaraang taon, masuwerte naman si Ate Glow ang lalaking muling nagpatibok ng kaniyang puso na isang Briton. Hanggang ngayon ay nagsasama at nagmamahalan pa rin ang dalawa.

Si British guy

Itinago ni Ate Glow ang katauhan ng kaniyang nobyo at binansagan niyang "British Guy." Nagkakilala sila nang magtungo ang komedyante sa London upang bisitahin ang kaibigan.

Basahin: Ate Glow, ikakasal na sa British boyfriend; magpapalaki rin ng dibdib

At sa pamamagitan ng social media website na Facebook, nakilalala hanggang sa nabighani ito sa ganda ni Ate Glow.

Kuwento  ni Ate Glow, "I met him in London last year when I visited my bestfriend. Nakita niya ako sa Facebook ng friend ko kaya nako, thank you kay MarkZuckerberg at nang dahil sa Facebook, nagkaroon ako ng love life."

Patuloy pa nito, "Minessage [message] niya ako, nakita raw niya ako sa mga photos ng common friend namin. Pictureless nga siya, wala siyang profile pic[ture]. Parang sabi niyang ganon, 'taga-dito ka ba o bumibisita ka lang ba dito sa London?"

Matapos ang kanilang pag-uusap sa Facebook, nagkita na nga ang dalawa sa isang dinner.

"You're so beautiful in all your pictures,' ganyan, ganyan, 'and I just can't wait to meet you in person,' parang sabi niyang ganon na 'if you don't mind I would like to invite you out for a dinner.' Tapos nag-dinner kami," pag-alala ng komedyante.

Isang consultant si British guy at nasa 30's na ito. Samantala, hindi raw naging problema para sa kasintahan ang pagiging transsexual nito dahil sa simula pa lamang ay nagkaroon na ito ng ideya sa kaniyang pagkatao.

Ani Ate Glow, "He had an idea kasi 'yong common friend namin is also a transsexual pero tinignan niya raw kasi 'yong mga pictures ko."

Si Ate Glow bilang celebrity

Sumikat ang pangalang Ate Glow hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Ngunit ang bahagi ng buhay nito ng komedyante ay itinago niya sa kasintahan.

Pag-alala pa nito, "Hindi nga niya alam, e. Minsan nga napag-awayan pa namin 'yon kasi sabi niya I lied to him daw. Lumabas kami isang beses tapos may mga nagpa-picture sa'kin ng mga Filipino. Sabi niyang ganon, 'that's mental. Why would they ask for a picture from you?'"

Ito rin marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon sila ng tampuhan ng kasintahan.

"Kasi para sa'kin, I presented myseld to him as Rene and not as a celebrity, as a Filipino woman lang. [Pero] alam na niya ngayon," pahayag nito.

Pagkakaiba ng kanilang kultura

Dahil isang Briton ang kasintahan ni Ate Glow, nagkakaroon daw silang dalawa ng cultural differences.

Kuwento pa nito, "He grew up in London. So, alam mo 'yon,  yung mga Briton kasi, ang humor nila medyo sarcastic, doon kami nahihirapan. Tapos may mga issue kami lagi ng first world versus third world."

Ngunit dahil din sa kanilang mga diskusyon, tila mas nahulog daw ang loob nila sa isa't isa.

Aniya, "Siguro doon sa pag-aargue namin, doon niya ako mas na-love."

Ayon pa kay Ate Glow, napapasaya raw siya ng kaniyang Brit partner tuwing lagi siyang kinokontra.

At sa pitong buwan nilang pagsasama sa London, mas higit daw napahanga at napamahal si Ate Glow kay British guy.

"He always touches my hand and gustong-gusto ko sa kaniya 'yong pagnaglalakad kami, tapos sa kalagitnaan ng naglalakad kami, bigla na lang kami titigiltapos bigla niyang sasabihin sa'kin na 'thank you for loving me. I just want to be with you, I just want to spend my life with you,'" pag-alala nito.

Ayon naman sa ina ni Ate Glow, "Kung mahal niya talaga ang anak ko, huwag niyang pababayaan kasi mahal ko ang mga anak ko."

From Rene Boy to Rene Girl

Sumabak kamakailan si Ate Glow sa isang operasyon kung saan nagpalagay siya ng dibdib. Gayunpaman, ginawa niya raw ito para sa kaniyang sarili at bilang regalo sa kasintahan ngayong Valentine's Day.

"I'm doing it for myself, definitely for myself. But of course, I'm also doing it for my partner. Kasi gusto ko rin siya na mapaligaya. You need to spice up your life, you need to spice up your relationship, alam mo 'yon. Isa na 'to sa mga paraan," aniya.

Ayon pa rito, mas maganda na raw ang pakiramdam ni Ate Glow sa kaniyang sarili mula nang kinasatuparan nito ang operasyon.

"Alam ko na bading ako at masaya na ako. Masaya ako sa kung ano ang meron ako noon. Hindi ko nakita na meron akong kakulangan bilang isang nilalang, bilang isang tao," pahayag niya. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT