ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga huling sandali ni Roy Alvarez, ikinuwento ng anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ikinuwento ng anak ni Roy Alvarez ang mga huling sandali ng kaniyang ama bago ito pumanaw sa kanilang bahay nitong Martes dahil sa cardiac arrest. Inalala rin ng ilang katrabaho at kaibigan ang kabutihan ni Roy kabilang na si Chin Chin Gutierrez.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, ikinuwento ng anak ni Roy na si Mirren Alvarez-Fabregas, na kumain pa ng tanghalian ang kanyang ama at 'di nagtagal ay nakaramdam na daw ito ng pananakit ng dibdib.

Gayunman, iginiit daw ng aktor na hindi puso niya ang problema kundi ang acid reflux na nararamdaman kaya binigyan nila ito ng gamot at hindi na rin ito nagpadala sa ospital.



Nakapanood pa nga raw ito ng episode ng kinabibilangan GMA series na remake ng "Villa Quintana" kung saan gumaganap siya bilang si Don Manolo Quintana.

Hindi naman daw nagtagal ay napansin nilang tila nakatulog ang aktor habang nanonood ng telebisyon.

Ngunit nang puntahan ng apo at kaniyang misis si Roy upang gisingin ay hindi na raw magising ang batikang aktor.

Kaya naman dinala agad nila ito sa ospital pero hindi na naibalik ang kaniyang buhay.

"He is a good man without a doubt. Sometimes misunderstood but a very good man all around," ayon kay Mirren.

Kabilang naman sa mga dumalaw na sa burol ni Roy sa Santuario de San Jose Chapel ang manager niyang si Lolit Solis. Nandoon din si Pauleen Luna, na nakatrabaho ni Roy sa GMA soap na "Unforgettable."

Ikinuwento ni Pauleen ang minsan na paglapit sa kaniya ni Roy sa taping nila noon upang bigyan siya ng payo sa problema na hindi naman niya ipinapaalam sa kahit sino sa taping.

Nagulat daw ang aktres dahil ang payo na ibinigay ng aktor ay akma sa bumabagabag sa kaniya nang mga sandaling iyon.

"He approached me and then he said, 'I know and I can feel that you are going through something right now.' And then he gave me advice na right on the dot dun sa dinadamdam ko that time," kwento ni Pauleen.

Para naman sa dating aktres na si Chin Chin Gutierrez, na kasama ni Roy sa environmental group na Alaga Lahat, naging gabay nila, kaibigan, guro at mentor sa buhay ang aktor.

Idinagdag ni Chin Chin na tunay na malapit kay Virgin Mary si Roy dahil pumanaw ang aktor sa araw ng Feast if Our Lady of Lourdes. -- FRJ, GMA News