21-anyos na suspek sa pagpatay sa ama ng komedyanteng si Jeffrey Tam, nahuli na
Sa tulong ng CCTV camera, nahuli na ang suspek sa pagpatay kay Alfredo Tam, ang ama ng komedyante at magician na si Jeffrey Tam.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga pulis ang suspek na si Patrick Nobleza, 21-anyos.
Dinakip si Nobleza sa kanyang bahay sa Lucena, Quezon.
Ayon sa suspek, ipinagtanggol lang niya ang sarili mula sa umano'y pananakit ng nakatatandang Tam.
Natagpuang patay ang biktima nitong Martes sa Tayabas, Quezon.
Batay sa post mortem analysis, nasawi ang ama ni Jeffrey sa pamamagitan ng pagpukpok ng matigas na bagay.
Lumabas sa mga ulat na nakita sa sasakyan ng biktima ang mga bakal na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa ama ni Jeffrey.
Ayon sa Lucena police, nakilala ang suspek sa tulong ng CCTV camera na nakakabit sa isang establisimyento na malapit sa lugar kung saan umano dinala ang sasakyan ng biktima.
Sa footage, nakita ang suspek na naglalakad sa nabanggit na lugar.
Nasa Tayabas City Jail na ang suspek at inihahanda na ang reklamong homicide na isasampa laban sa kanya. -- FRJ, GMA News