ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pakiusap ni Carla Abellana: 'Hindi kami nag-aaway ni Marian [Rivera], 'wag niyo kaming pag-awayin'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin ng Kapuso actress na si Carla Abellana na may mga basher siya sa social media. Pero naniniwala siya na hindi ito mga tagahanga ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing magiging back to back na ang mga show ni Carla sa GMA tuwing Linggo dahil ito ang magiging host ng bagong season ng "Del Monte Kitchenomics."

Bukod kasi dito, kabilang din sa mga host ng variety show na "Sunday All Stars" ang dating leading lady ng hit Kapuso primetime series na "My Husband's Lover."



Bukod sa dalawang tv shows, busy rin si Carla sa pag-promote ng bago niyang horror movie na "Third Eye" kung saan kasama niya sina Denise Laurel, Ejay Falcon, at Camille Prats.

Sa naturang pelikula, gaganap si Carla na isang opthalmologist na may third eye mula pa sa pagkabata.

"Tapos namatay kasi yung parents niya, unfortunately, because traumatized, sinara ng lola niya'yung third eye niya. So nu'ng tumanda na siya, may mga times na nako-confuse siya kung sarado ba talaga or bukas ulit," kwento ng aktres.

Tungkol sa relasyon nila ng nobyong si Geoff Eigenmann, nilinaw ni Carla na wala pa sa plano nila ang magpakasal.

"Parang matagal pa, matagal pa.  Not anytime soon," aniya" Kami pareho, siyempre hindi pa kami ready magpakasal."

Inamin din ni Carla na may mga basher siya sa social media pero hindi raw totoo ang balitang mga tagahanga ito ni Marian, na abala sa kaniyang hit series na "Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.".

Hindi naniniwala si Carla na gagawin ito ng mga fans ng Primetime Queen dahil wala naman daw silang pinag-aawayan ni Marian.

"Si Marian pa e she's a happy person, she's all about positivity now," pahayag ni Carla, sabay pakiusap na, "Hindi naman kami nag-aaway ni Marian, huwag n'yo kaming pag-awayin." -- FRJ, GMA News