Rose 'Osang' Fostanes, gustong makasama si Charice sa concert
Masayang nagbalik sa bansa ang "X Factor Israel" grand winner na si Rose Fostanes nitong Miyerkules ng gabi. At isa sa mga plano ng singer habang nasaPilipinas ang magkaroon ng concert kasama ang International singing sensation na si Charice.
"Nagagandahan talaga ako sa boses niya [Charice], talagang napakagaling niya," pahayag ni Rose sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" nitong Huwebes.
Isang linggo lamang siyang mananatili sa Pilipinas dahil sa mahigpit ang kaniyang schedule sa Israel kabilang na ang ginagawa niyang album at nakahandang concerts doon at sa Australia.
"Masaya [sa Pilipinas] pero parang nakakanerbiyos dahil hindi ako nasanay na ganito [may mga media na sumalubong] kaya para akong nanibago... Maraming maraming salamat po sa inyo na kahit nandito kayo sa Pilipinas at malayo ako ay nasuportahan niyo po talaga," batid nito.
Matiyaga namang naghintay sa airport ang longtime partner ni Rose na si Mel Adel at ang kaibigang si Yolanda Lopez na nagtayo ng kaniyang fans club.
Ani Mel, "Siyempre masayang masaya ako dahil makikita ko na naman siya. Hindi ko maipaliwanag kung anong klaseng saya, basta masaya ako na dadating siya."
Nagpaluto pa raw si Rose kay Mel ng beef steak at chicken curry.
Bukod sa dalawa, masaya rin ang mga kabarangay ni Rose sa Taguig City sa kaniyang pagbabalik bansa. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News