ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kylie, aminadong nagseselos sa bagong ka-love team ni Aljur na si Louise pero...


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging maganda ang pagtanggap ng mga manonood sa bagong Kapuso primetime series na "Kambal Sirena" na pinagtatambalan nina Louise delos Reyes at Aljur Abrenica. Ano naman kaya ang masasabi rito ni Kylie Padilla na nobya ni Aljur?

Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Huwebes, hindi itinanggi ni Kylie na makaramdam din naman ng selos sa love team ng kaniyang boyfriend na si Aljur at young actress na si Louise.

"Mahirap yung wala na talaga [na selos], lalo na sa part ko, inaamin ko naman," pahayag ni Kylie. "Pero naha-handle ko naman na maayos."



Dagdag pa ni Kylie, kaibigan naman niya si Louise at mayroon din naman daw nobyo ang lead star ng "Kambal Sirena."

Ayon pa sa dalaga, malaki na rin ang pinagbago ng relasyon nila ni Aljur at naging mas matured na sila habang patuloy na lumalamin ang kanilang relasyon.

"Iba na kasi ang meaning ng love sa'ken ngayon. Dati kasi yung kilig-kilig lang, hanggang doon na lang. Pero ngayon parang gusto mong maging masaya siya, ayaw mong nai-i-stress siya. May ganun nang iniisip," paliwanag ni Kylie.

Dahil dito, mas naging malawak na rin daw ang pang-unawa nila tuwing magkakaroon sila ng kani-kanilang ka-love team ni Aljur para sa kanilang trabaho.

Matapos ang kaniyang primetime series na "Adarna," magpapahinga daw muna ng isang buwan sa trabaho si Kylie. -- FRJ, GMA News