Mike Enriquez, muling pumirma ng exclusive contract sa GMA Network
Solid Kapuso pa rin ang premyadong mamamahayag at "Imbestigador" ng bayan na si Mike Enriquez matapos muling pumirma ng exclusive contract sa GMA Network.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga dumalo sa contract signing ay sina GMA Network chairman and CEO Attorney Felipe L. Gozon; President and COO Gilberto Duavit Jr.; EVP and Chief Financial Officer Felipe Yalong at Senior Vice President for News Marissa Flores.
"I'm really very grateful ang gratified na meron pala kaming mutual admiration [ni Mike], na ang tingin pala niya sa management ng GMA ay kamukha ng tingin namin sa value niya. I have never had any problem with Mike Enriquez," pahayag ni Atty Gozon.
"Si Mike ay hindi lang bahagi ng ating samahan kundi isang tumatayong poste ng Kapuso. Nakakatuwa, nakakapagpataba ng puso yung kanyang pagpirma muli sa simpleng dahilan na ito'y tumatayong patunay ng kanyang patuloy na pagtitiwala sa himpilan," ayon naman kay Mr. Duavit.
Sinabi naman ni Mike na malaking bagay umano ang suporta at tiwala na ibinibigay ng pamunuan ng himpilan sa mamamahayag na katulad niya.
"Kapag solid yung kanilang pagsuporta at pagtitiwala sa'yo, solid din yung pagbibigay mo ng serbisyong totoo sa mga manonood," pahayag ni Mike na napapanood sa mga programang 24 Oras at Imbestigador, at naririnig din sa dzBB radio. -- FRJimenez, GMA News