Lance Raymundo, nakalabas na ng ospital matapos maoperahan sa mukha
Nakalabas na ng ospital ang actor-singer na si Lance Raymundo matapos maoperahan sa mukha, ayon sa ulat ng "Starbites" ng GMA News TV's "Balitanghali."
Nitong nakaraang March 19 nang aksidenteng mabagsakan ng barbell sa mukha si Lance habang nagwo-workout sa isang gym.
Kinailangang lagyan ng titanium steel ang iba't ibang bahagi ng mukha ni Lance para maibalik ito sa dating porma. (Basahin: Lance Raymundo, umaasang magiging aral sa iba ang sinapit niyang aksidente sa gym)
Hindi naman daw naapektuhan ang bungo at utak ni Lance sa nangyaring aksidente.
Muli siyang isasailalim sa isa pang surgery sa mga susunod na linggo.
Idinagdag sa ulat na posibleng abutin ng dalawa hanggang tatlong buwan bago tuluyang maibalik sa dati ang mukha ng aktor. -- FRJ, GMA News